Taon-taon, ipinagdiriwang tuwing buwan ng Mayo ang National Heritage Month sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 439 s. 2003. Sa pangunguna ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), ang taunang pagdiriwang na ito ay naglalayong palakasin ang kamalayan, paggalang, at pagpapahalaga ng publiko sa mga pamana ng bansa. Ang selebrasyon ngayong taon ay may temang “Roots and Horizons: Our Shared Heritage, Our Collective Future,” na nagbibigay-diin sa paghubog ng pamana sa kinabukasan bilang salamin sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Sa patuloy na pag-unlad ng mga lungsod, nagsisilbing paalala ito upang protektahan ang mga makasaysayan at kultural na espasyo na nagsasalaysay sa mga kuwento ng bansa.
Hindi mapagkakaila na tahanan ng mayamang kultura at makasaysayang pamana ang Pilipinas. Habang ang mga batas tulad ng National Cultural Heritage Act ay naglalayong protektahan ang mga heritage site at estruktura sa iba’t ibang pook sa bansa, maraming mga lumang gusali ang patuloy na nahaharap sa kapabayaan, pagkasira, at banta ng demolisyon sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng lungsod. Ang ilan sa mga ito ay nasira sa paglipas ng panahon—kaya’t nalalagay sa panganib na makalimutan ng mga susunod na henerasyon ang mga nahahawakang pamana sa bansa.
Sa lungsod ng Maynila, maraming heritage structures ang tahimik na nakatayo sa gitna ng mga mataong lansangan at modernong gusali habang nahaharap sa mga panawagan para sa kanilang preserbasyon at pagpapanumbalik.
El Hogar Filipino Building (Binondo)
![052226 [karilyon National Heritage Month El Hogar Building (binondo) ]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/8b9442cd-3eed-40eb-8903-04b976bd1362.png)
Inilatag ni Zed Roxas
Matatanaw mula sa Pasig River Esplanade ang eleganteng El Hogar Filipino Building, isang estruktura na patuloy na nakapupukaw ng atensyon dahil sa klasikong arkitektura nito sa kabila ng modernong tanawing makikita sa Maynila. Ang gusaling ito ay tinayo noong 1914 bilang regalo sa kasal ng negosyanteng Espanyol na si Don Antonio Melián Pavía para sa kaniyang asawang si Doña Margarita Zóbel de Ayala.
Ang El Hogar Filipino Building ay kilala bilang isa sa mga natitirang estruktura noong panahon ng mga Amerikano, at nagtatampok ng kombinasyon ng mga istilong Beaux-Arts, Neoclassical, at Renaissance. Sumasalamin ito sa paglago ng komersyo sa unang bahagi ng kasaysayan ng Maynila dahil una itong nagsilbi bilang punong-tanggapan ng Sociedad Mútua de Préstamos El Hogar Filipino at kalaunan sa Ayala y Compañía at Smith, Bell and Company.
Bagaman nakaligtas ang estruktura sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nahaharap ito sa mga banta ng demolisyon dahil sa mga proyekto sa pagpapaunlad ng lungsod, tulad ng pagpapatigil ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa demolisyon nito noong 2015. Sa ngayon, patuloy na isinusulong ng mga tagapagtaguyod ng pamana ang pangangalaga nito bilang mahalagang simbolo ng kasaysayan ng arkitektura at komersiyo ng Maynila.
Ocampo Pagoda Mansion (Quiapo)
![051926 [karilyon National Heritage Month] Quiapo](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/d2c1276c-8b0c-4811-95c0-d86e5eac3f7e.png)
Inilatag ni Juliana Polancos
Sa gitna ng mga merkado at kalye ng Quiapo ang isang kapansin-pansing estrukturang kawangis ng isang Japanese pagoda na nakatago sa gitna ng lungsod. Ang Ocampo Pagoda Mansion ay itinayo noong 1941 ng negosyanteng si Jose Mariano Ocampo na nangarap magkaroon ng isang engrandeng gusali na kumukuha ng inspirasyon sa arkitektura ng mga Hapon. Pinagsasama nito sa isang natatanging disenyo ang mga katangian ng mga Japanese Pagoda, kastilyo sa Europa, at impluwensyang Art Nouveau.
Noong panahong nangibabaw ang arkitekturang Art Deco sa Maynila, ang mansyon ay namukod-tangi dahil sa hindi pangkaraniwang istilo nito at mga detalyeng kumukuha ng inspirasyon sa mga Budista. Nagsilbi itong taguan ni Ocampo at ng kaniyang mga kapitbahay mula sa pambobomba sa Maynila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa paglipas ng mga taon, ang gusali ay naipasa sa mga angkan ni Ocampo at naging Bagong Pagoda Boarding House para sa mga seaman at transient worker. Simula Mayo 23, 2026, magbubukas muli ang mansyon sa publiko bilang isang museo.
Don Roman Santos Building (Santa Cruz)
![052226 [karilyon National Heritage Month Don Roman Santos Building]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/ebb80dda-1744-4117-9ad6-1d22c61f1891.jpg)
Inilatag ni Kamille Castillo
Madalas nakaliligtaan ng mga dumadaan sa Estasyong Carriedo ng LRT-1 ang Don Roman Santos Building. Itinayo noong 1894 at pinalawak noong 1957, ang neoclassical na estrukturang ito ay nasa kahabaan ng makasaysayang Escolta Street sa Binondo. Unang pinaglagyan ang Don Roman Santos Building ng Monte de Piedad Savings Bank bago naging ospital ng American Red Cross at isang South Supermart.
Pinangalanan ang gusali kay Roman Santos, isang negosyanteng kumuha sa estruktura noong 1955 pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kalaunan ay ginawa itong opisina ng Prudential Bank and Trust hanggang 2005, at ang ground floor nito ay nagsisilbing sangay ng Bank of the Philippine Islands sa ngayon. Bagaman at napanatili ng gusali ang karamihan sa orihinal nitong istilo, bahagyang nahaharangan ito ng modernisasyon sa paligid ng Plaza Lacson. Nakalista ito sa Philippine Registry of Cultural Property dahil sa kahalagahan nito sa kasaysayang komersyo ng bansa.
Uy Chaco Building (Binondo)
![052226 [karilyon National Heritage Month] Uy Chaco Building](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/d5f9053c-793c-4c9f-a3b2-2f8b7a99d41f.png)
Inilatag ni Claire Chua
Sa paglalakad papasok ng Binondo, imposibleng hindi mapapansin ang gusaling nakatayo mismo sa kaliwang bahagi ng sikat na Filipino-Chinese Friendship Arch. Matatagpuan sa panulukan ng Quintin Paredes Street at Plaza de Cervantes ang Uy Chaco Building, kung saan kapansin-pansin ang pabilog nitong kanto na ang tuktok ay hugis kampana. Sa kasalukuyan, ang gusaling ito ay pagmamay-ari na ng Philtrust Bank.
Kahit mukha na itong lumang estruktura sa gitna ng modernong lungsod, ang anim na palapag na gusaling ito ay isa sa mga kauna-unahang modernong high-rise office building sa distrito nang matapos ito noong 1914. Gaya ng kalapit nitong El Hogar, gawa rin sa semento ang gusali ngunit mas ipinakita nito ang pagiging moderno sa pamamagitan ng istilong Art Nouveau. Dinisenyo ito ng Amerikanong arkitekto na si Samuel Rowell para maging punong-tanggapan ng hardware company ng negosyanteng si Mariano Uy Chaco at ng kaniyang anak na si Uy Vet. Saksi ang gusaling ito sa yugto kung kailan lumago ang komersyo ng komunidad sa Binondo, at kahit pa bahagya itong nasira noong giyera noong 1945, nanatili pa rin itong nakatayo matapos ang mahigit isang siglo bilang gateway landmark ng distrito na malapit sa Jones Bridge.
Boix House (Quiapo)
![052226 [karilyon National Heritage Month Boix House]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/c91a600a-5580-4b8a-8be1-f1b8b7218a84.png)
Inilatag ni Zoie Sabanal
Isa sa ilang natitirang mga paalala ng matikas na paninirahan ng lumang Maynila ang Boix House na nagtatago sa gitna ng buhay na distrito ng Quiapo. Orihinal na tinawag na Teotico House, ito ay itinayo noong 1895 nina Don Marciano Teotico at Juan Hervas at idinisenyo sa istilong Neo-Renaissance na sikat noong panahon ng Espanyol. Mas nakilala ang bahay bilang isa sa ilang natitirang halimbawa ng disenyong “Bulaklak sa Trellis” sa Maynila. Dating tahanan ito ng makata at mamamahayag na si Jose Teotico bago naipasa ang bahay mula sa mga henerasyon ng mga pamilyang Crespo at Boix-Terradellas, at kalaunan ay nagsilbing tirahan pa rin ni Manuel Quezon habang nag-aaral siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging opisina ito ng ilang mga publikasyon at palimbagan. Nang mapabayaan ang Boix House paglipas ng mga taon, naging tahanan ang ilang bahagi nito ng mga informal settler. Noong 2016, ang Boix House ay kasama sa World Monuments Watch na nagdala ng internasyonal na atensyon sa pangangailangang pangalagaan ang bahay. Sa kabila ng kondisyon nito, ang ilang mga volunteer heritage group ay patuloy na nagsisikap sa pagsuporta ng mga proyekto sa pagpapanumbalik ng Boix House.
Hilario Sunico Ancestral Residence (San Nicolas)
![052226 [karilyon National Heritage Month Hilario Sunico]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/01ed42f6-b277-4eee-90c2-01268fbb20c5.png)
Inilatag ni Marcus Aquino
Sa makasaysayang distrito ng San Nicolas, isang estruktura ang kasalukuyang ipinaglalaban ng mga heritage advocates. Ito ang Hilario Sunico Ancestral Residence, isang mahigit 135 taong gulang na bahay na bato na naging usap-usapan matapos mabalitang binabaklas ang mga bubong at iconic na capiz windows nito nang walang permiso. Sa kabila ng mga barikada, kapansin-pansin pa rin ang ganda ng arkitektura nito, pati ang sementadong pundasyon na naging background sa pelikulang “Mano Po 1: My Family.”
Itinayo noong 1891, ang mansyong ito ay nagsilbing tahanan ni Hilario Sunico Chanuangco, ang tanyag na panday ng mga kampana ng simbahan kabilang ang sa Binondo. Konektado rin ito sa Sunico Foundry na nagpanday ng mga kampana at nagbahagi ng mga ito sa buong Pilipinas, mula Luzon hanggang Mindanao. Dahil sa kasaysayan at sining nito mula sa huling bahagi ng panahong Espanyol, opisyal itong rehistrado bilang Important Cultural Property (ICP) sa ilalim ng Republic Act No. 10066. Sa gitna ng banta ng demolisyon, patuloy ang panawagan ng ilang mga volunteer heritage group upang isalba ang isang mahalagang bahagi ng kultura at kasaysayan ng Maynila.
Ang mga makasaysayang lugar na ito ay ilan lamang sa mga patunay ng ating nakaraan na sana ay hindi tuluyang mabura sa kasaysayan ng Maynila. Ang pagkawala ng mga ito ay unti-unting pagkalimot na rin sa ating pinagmulan. Sa pagdiriwang ng National Heritage Month, pinaaalalahanan ang bawat isa na ang pamana ng nakaraan ang patuloy na humuhubog sa atin ngayon, hanggang sa hinaharap.
Dahil dito, ang pangangalaga sa kasaysayan ay hindi dapat ituring hadlang sa pag-unlad. Ang tunay na modernisasyon ay hindi nangangahulugang kailangang wasakin ang mga naging pundasyon ng ating pinagmulan. Sapagkat, ang pagpapanatili at pagprotekta sa mga estrukturang ito ang siyang magtitiyak na mayroon pa ring kuwento ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan na maaabutan ng mga susunod pang henerasyon.
