Dibuho Ni Hann Botona
Dibuho Ni Hann Botona.

“Sisa”: Kasaysayan sa Mata ng Kababaihang Pilipino


Madalas, ibinibida sa mga pelikula ang mga kuwento ng mga lalaking bayani noong panahon ng kolonisasyon. Ngunit kaunti lamang ang nagsasalaysay ng mga kuwento mula sa pananaw ng mga kababaihang Pilipino—at iyon ang ginagawa ng pelikulang Sisa.


By Sofia Agudo | Wednesday, 13 May 2026

Rating: 4.5/5

 

Noong kasagsagan ng Digmaang Pilipino-Amerikano, maraming Pilipino ang pinilit manirahan sa mga reconcentración o reconcentration camps upang ipaghiwalay ang mga rebolusyonaryo. Sa gitna ng karahasan at mahigpit na pagbabantay, isang misteryosong babae ang pumasok sa kampo upang isagawa ang isang lihim na planong hinubog ng mga kalupitan ng digmaan. Ngunit sino nga ba talaga siya, at ano ang kaniyang tunay na pakay?

 

Ang Sisa ni Direktor Jun Robles Lana ay isang pelikulang kathang-isip at pangkasaysayan na itinakda noong 1902, pagkatapos ipagkaloob ng Espanya ang Pilipinas sa Estados Unidos. Sinusundan nito ang kuwento ng isang matandang babaeng may misteryosong nakaraan na may layuning maghiganti nang pumasok siya sa isang reconcentración. Kalaunan ay pinangalanan siyang Sisa (Hilda Koronel) ng iba pang kababaihan sa kampo dahil sa kaniyang kalagayan ng kabaliwan na bunga ng digmaan.

 

Muling binigyang-kahulugan ng pelikula ang tauhan ni Sisa sa nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal bilang simbolo ng isang babaeng itinulak sa bingit ng kawalan at karahasan. Tulad lamang ng karakter sa nobela, isinasalamin ng tauhan ni Sisa sa pelikula ang mas malawak na karanasan ng mga kababaihang Pilipino noong panahon ng digmaan. Ipinaliwanag din ni Direktor Lana na ito ang larawang nais niyang hamunin.

 

“Sisa is such a tragic character and also an overpowering character that for a while, it became the image of the suffering Filipina. In a sense, it became the image of the suffering nation,” wika ni Direktor Lana.

 

Unang pinalabas ang Sisa sa Tallinn Black Nights Film Festival noong Nobyembre 2025 at nanalo rin ito ng Best Screenplay Award sa 46th Fantasporto International Film Festival sa Portugal noong Pebrero. Ipinalabas din ang pelikula sa QCinema International Film Festival bilang bahagi ng mga espesyal na screening para sa Pambansang Buwan ng Kababaihan noong Marso 2026.

 

Minarkahan din ng pelikula ang muling pagbabalik ni Koronel sa pag-arte pagkatapos ng 13 taon, at itinatampok nito ang mga mahuhusay na aktor kabilang sina Eugene Domingo, Jennica Garcia, Barbara Miguel, at Romnick Sarmenta.

 

Paglalarawan sa mga karanasan at katotohanan ng digmaan

Ang diwa ng pelikulang Sisa ay nakasalalay sa mensahe nito at pagganap ng mga aktor na higit pang nagdala ng lalim sa kuwento at naghatid ng mga damdamin ng takot, poot, at dalamhati na naramdaman ng mga kababaihan noon. Bukod-tangi at mahusay ang pagganap nina Koronel at Domingo sa kanilang mga karakter dahil sa kakayahan nilang bigyang-buhay ang pakay at damdamin ng pelikula kahit walang diyalogo. Lalo nilang nalarawan sa mga manonood ang bigat na dinala ng mga kababaihang nabuhay sa ilalim ng karahasan at pang-aapi sa mga panahong iyon.

 

Madaling sundin ang salaysay ng pelikula at walang nasasayang na oras sapagkat ang bawat eksena ay nag-ambag sa pagbuo ng kuwento nito, gayundin ang maayos na kombinasyon at daloy ng mga pangyayari, sinematograpiya, at angkop na musika sa mga eksena.

 

Naiwang nagtataka ang mga manonood kung ano ang sunod na mangyayari, at kung paano mabubunyag ang misteryong bumabalot kay Sisa dahil sa epektibo nitong pagpukaw ng mga pakiramdam ng pagkabalisa at kuryosidad.

 

"I didn’t want the audience to sink into comfort. For a country that forgets easily, I wanted the viewing experience to feel conscious, almost hyper-aware. Not just to watch history, but to confront it," paliwanag ni Lana.

 

Sa kabila ng matibay na paglatag ng kuwento at mga tauhan, tila nagkukulang ang paglalarawan sa mga pwersang Amerikano. Karamihan ay nilarawan lamang bilang mga pangalawang tauhan sa halip na mga ganap na indibidwal, kaya ang kanilang imahe bilang mga mananakop ay kulang sa tindi na minumungkahi ng kuwento—at maging ng kasaysayan mismo. Bigla ring nagtapos ang pelikula sa pamamagitan ng isang pabitin, ngunit kahit papaano ito ay nag-iwan ng kaisipang tatatak sa mga manonood tungkol sa kasunod na pangyayari at kapalaran ng mga tauhan.

 

Ang tahimik na salaysay ng kababaihan sa kasaysayang Pilipino

Madalas, nakatuon sa mga bayani at labanan ang mga pelikulang Pilipino tungkol sa kasaysayan. Ngunit madalang marinig ang panig ng kababaihan sa mga salaysay na ito. 

 

Isang panibagong pananaw sa kasaysayan ang hatid ng Sisa dahil sa pagbibigay-pansin nito sa mga kababaihan sa panahon ng digmaan na naglakas-loob at nagpatuloy sa kanilang pakikibaka para sa dignidad, katarungan, at kalayaan kahit tila imposible ang tagumpay.

 

“Importanteng makilala rin natin ‘yung papel na ginampanan ng mga babae para makamit natin ‘yung kalayaan natin,” ipinahayag ni Lana.

 

Naparating ng pelikula ang mensahe na ang bawat babae ay nagdadala ng kaniya-kaniyang kuwento at karanasang maipapamalas sa iba't ibang anyo. Gayunpaman, sinasalamin ng mga karakter nito ang kanilang pakikibaka laban sa hindi pantay na pagtrato sa isang lipunang itinuturing silang mahina. Ang kanilang mga karanasan ay nagsisilbing alusyon sa mga hamon na patuloy na kinakaharap ng maraming kababaihan ngayon.

 

Kasabay ng pagpapalabas ng pelikula noong Pambansang Buwan ng Kababaihan tuwing Marso, nagsisilbing paalala ang Sisa na ang mga kababaihang Pilipino ay may pangunahing papel sa paglaban para sa kalayaan ng bansa—kaya hindi dapat sila maiwan lamang sa mga kuwento ng kasaysayan. Tinuturo nito na ang pagpapakita ng pagmamahal sa bansa at paglaban ay hindi laging nagaganap sa larangan ng digmaan. Minsan, nagsisimula ito sa mga kababaihan at ordinaryong Pilipino na naglakas-loob na tumindig, lumaban, at igiit ang kanilang dignidad sa kabila ng mga karanasan sa karahasan at pang-aapi.