Ang mga pagpapahalagang Filipino ay nagsisilbing pundasyon ng kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Sa kabila ng pagbabago ng panahon, mahalagang patuloy na isabuhay at panatilihin ang mga ito upang maipasa sa susunod na henerasyon. Sa paraang ito, napatitibay ng bawat Pilipino ang pagkakaisa at pagpapahalaga sa sariling pinagmulan.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang kilala sa pagkakaroon ng mapagpatuloy at bukas-palad na kaugalian. Ang mga pagpapahalagang ito ang humuhulma sa kolektibong paniniwala ng mga Pilipino tungkol sa kung ano ang angkop at wastong asal.
Subalit, hindi lahat ng Pilipino ay nagagawang panatilihin at paunlarin ang mga pagpapahalagang ito. Ayon sa ulat ng PhilStar nitong Hulyo, madalas nang hindi nabibigyang-pansin ang mga ito dahil sa pag-usbong ng mga bagong kaisipan tulad na lamang ng paghihilahan pababa, kawalan ng respeto sa oras ng iba, at gamitin ang midya upang magkalat ng maling balita sa iba.
Narito ang ilan sa mga pagpapahalagang Filipino na may malaking bahagi sa paghubog ng pagkakakilanlan ng Pilipinas:
![112426 [karilyon Listicle Filipino Values Month] 1. Bayanihan](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/79aeb938-1d23-46d1-a7e2-92df203a2a97.png)
Layout by Anjelia Pardilla
Bayanihan
Ang bayanihan ay isa sa mga pagpapahalagang Filipino na hindi malilimutan sa paglipas ng panahon. Ayon sa sinaunang tradisyon ng bayanihan, ito ay isang lumang kaugaliang Pilipino kung saan nagtutulungan ang mga kalalakihan kapag nangangailangan ng tulong ang kanilang mga kapitbahay sa paglilipat ng kanilang bahay-kubo.
Sa kasalukuyan, naipamamalas ang diwa ng bayanihan sa pamamagitan ng pagtutulungan tuwing may mga kalamidad, tulad ng bagyo o lindol, kung saan sama-samang kumikilos ang mga mamamayan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga nasalanta.
![112426 [karilyon Listicle Filipino Values Month Hospitality]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/26f75c0c-25b5-4213-8c8c-b8d88e38c234.png)
Layout by Zoie Sabanal
Malugod na pagtanggap (Hospitality)
Isa pang pagpapahalagang Filipino ang hospitality o malugod na pagtanggap sa mga bisita. Kilala ang mga Pilipino sa pagiging mapagpatuloy at mabuting pakikitungo sa mga dayuhan. Naipapakita ito sa pamamagitan ng pagsilay ng ngiti sa kanilang mga labi, mainit na pagtanggap, at taos-pusong kasiyahan sa pag-aasikaso sa kanilang mga bisita.
Sa kabilang banda, may ilang negatibong pananaw tungkol sa malugod na pagtanggap, sapagkat may ilan pa rin ang naniniwala na inilalagay ng mga Pilipino sa pedestal ang kanilang mga panauhin, partikular na ang mga dayuhan, dahil sa labis na pagpapakumbaba at pagtingin sa kanila bilang nakatataas.
![112427 [karilyon Listicle Filipino Values Month]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/5e503c4e-3bef-4b63-9117-6bea054103be.png)
Layout by Zed Roxas
Paggamit ng po at opo
Ginagamit ng mga Pilipino ang “po” at “opo” bilang paggalang sa mga nakatatanda. Bagaman wala itong direktang katumbas sa wikang Ingles, ang mga salitang ito ay nagpapakita ng kagandahang-asal at paggalang.
Ang salitang “po” ay maaaring gamitin sa iba’t ibang sitwasyon, tulad ng pagbati na “Magandang araw po.” Samantalang ang “opo” ay karaniwang ginagamit bilang magalang na pagsang-ayon o tugon sa isang tanong.
![[karilyon Listicle Filipino Values Month] 4. Pagmamano](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/d3408d25-5c43-4ec3-98b7-87db08b85882.png)
Layout by Andrea Filart
Pagmamano
Ang pagmamano ay isang pagpapahalagang Filipino na karaniwang itinuturo sa mga bata. Ang konsepto ng “mano po” ay isang kilos na sumisimbolo sa paggalang sa mga nakatatanda. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng paghawak sa kamay ng nakatatanda at marahang pagdampi nito sa sariling noo na sumisimbolo rin sa pagtanggap ng basbas mula sa kanila.
![112426 [karilyon Listicle Filipino Values Month] 5. Utang Na Loob](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/bc318eb6-0bea-4316-8ba4-131788cc7f46.png)
Layout by Anjelia Pardilla
Utang na loob
Isang pagkilala sa kabutihang natanggap mula sa kapwa ang pagkakaroon ng utang na loob, lalo na sa magulang at mga taong tumulong sa atin noong tayo’y walang masandalan. Hindi ito nababayaran ng salapi sapagkat ang kabayaran nito ay ang pag-alala, paggalang, at pagbabalik ng kabutihan sa tamang panahon.
Gayunpaman, may mga taong ginagawa rin itong tanikala upang magkaroon ng kapangyarihan sa iba, kaya’t minsan ang dapat sanang pasasalamat ay nauuwi lamang sa sama ng loob.
![112426 [karilyon Listicle Filipino Values Month] Pakikisama](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/b60cf6f8-367c-417a-9aa9-1edad51c7b43.png)
Layout by Ezra Asor
Pakikisama
Ugat ng pakikisama ang pagnanais na mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng iba’t ibang pananaw at ugali. Dahil dito, madali tayong nakikipagkaibigan at nakabubuo ng tiwala saan man tayo dalhin ng buhay.
Subalit may hangganan ang pakikibagay—may mga pumapayag na lamang kahit mali o labag sa kalooban sapagkat mas kinatatakutan ng iba na masabihang “mahirap pakisamahan” kaysa mawala ang sariling paninindigan.
![112426 [karilyon Listicle Filipino Values Month Pasalubong]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/d86d82c2-86df-4d92-87cc-20b9f8dedfde.png)
Layout by Marcus Aquino
Pagbibigay ng pasalubong
Isang paraan ng pagpapahiwatig ng pagmamahal ang pagbibigay ng pasalubong, patunay na sa bawat paglalakbay ay bitbit natin sa isip ang mga naiwan. Kasama ng mga regalo ang diwa ng pag-alala at ang pagbabahagi ng parte ng ating karanasan.
![112426 [karilyon Listicle Filipino Values Month]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/da63e0ba-5463-4f5a-9557-b33dacab8e9a.png)
Layout by Kij Cabardo
Pagpapahalaga sa pamilya
Para sa maraming Pilipino, ang pamilya ang tahanang masisilungan sa unos at kasamang magdiriwang sa tagumpay. Masasalamin ito sa sama-samang pagtitipon sa hapag, sa pag-aruga sa mga magulang at lolo’t lola, at sa pagdadamayan ng magkakamag-anak sa oras ng pagsubok.
Gayunpaman, may mga pagkakataon kung saan may mga nasasakal sa higpit ng pagkakabuklod na ito, kung saan ang labis na pakikialam ay nagtutulak sa iba na isantabi ang sariling mga pangarap upang matupad ang inaasahan sa kanila.
Makikilala ang isang bayan sa kung ano ang pinipili nitong ingatan habang nagbabago ang mundo. Walang makabagong bagay ang makapapalit sa yamang ito, subalit kasama sa pag-iingat ay ang katapatan.
May mga kaugaliang nakasusugat kapag nasobrahan, tulad lamang ng iba pang bagay pa sa buhay. Ngunit ang kulturang kayang pag-usapan ang sarili nitong mga bitak ay kulturang matatag, dahil alam nito kung ano ang dapat panatilihin. Ngayong #BuwanngFilipinoValues, hawakan natin ang ating mga pagpapahalaga nang buong loob at may malinaw na isip, at ipasa ang mga ito sa susunod na henerasyon nang mas buo at mas matibay.
