Handog ng Book Development Association of the Philippines (BDAP) ang Aklatan, isang All-Filipino Bookfair na pagtitipon ng mga manunulat, mambabasa, book publishers, at book resellers, na ginanap saSM Megamall noong Nobyembre 20 at 21.Tampok sa dalawang araw na kaganapan ang pagbebenta ng sari-saring librong piksyon, komiks, pangsanggunian, at iba pa, at maging mga talakayan ukol sa literatura.
Litrato ni Anne Valmeo
Ayon sa BDAP Secretariat na nakapanayam ng The Benildean, nais ng asosasyon na bigyang pansin ang mga lokal na palimbagan at manunulat.
“Para tangkilikin ang sariling atin, suportahan ang lokal na produkto, at maipakita ang napakalawak ng mga awtor, publisher, at manggguguhit,” aniya.
Isa sa mga dagok na kinaharap ng wikang pambansa ay ang pag-alis ng asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo na isinulong ng Commission on Higher Education (CHED). Ani Senador Panfilo Lacson sa isang artikulo sa ABS-CBN News, “Marami nang mga bata na hindi marunong mag-Filipino, eh samantalang Pinoy tayo. Nakakahiya yata ang sitwasyon na ‘yun.”
Sa pananaw naman ng BDAP Secretariat, mahalaga ang pagpapalawig ng wika sapagkat ito ay nagsisilbing “sense of identity” nating mga Pilipino at “may wika tayo na tayo lang ang nakaaalam ang kung ano ang ibig sabihin, may wikang tayo lang ang nakadadama.”
Hindi lamang ang pagbebenta ng mga libro ang itinampok ng Aklatan kundi pati na rin ang pagpunta ng mga manunulat para sa book signing at storytelling. Nagkaroon din ng diskurso ang mga may-akda at mga dumalo upang magbahagi ang kanilang mga kaalaman, lalo na sa pagsusulat.
Buhay manunulat, taga-dibuho at tagalikha ng sining
Litrato ni Anne Valmeo
Nakapanayam ng The Benildean sina Ydunn, isang ilustrador ng kanyang self-published komiks na Dapithapon, at si Faye Villanueva, isang ding ilustrador at may-akda ng Incognito. Natanong sa panayam kung ano ang nagsilbing inspirasyon nilang dalawa upang ipagpatuloy ang paglikha ng mga panitikang Pilipino sa kabila ng sinasabing colonial mentality.
Para kay Ydunn, ang kanilang likha ay nagsisilbing mensahe upang mas maengganyo pa ang mga ilustrador at manunulat na lumikha at dumibuho para sa Panitikang Pilipino. Dagdag ni Ydunn na nagkakaroon ng “demand sa lokal na kontento” aniya habang naubusan sila ng kopya sa kanilang Chapter I ng Dapithapon. Ang Dapithapon ay isang slice-of-life na komiks tungkol sa tatlong mag-aaral sa high school na may kanya-kanyang pananaw sa pagkakaibigan. Tampok dito ang kwento ng kanilang paglalakbay tungo sa pakikisama sa isa’t isa.
Sa kabilang dako, sabi ni Villnueva maaaring makipagsabayan ang mga panitikang Pilipino sa iba’t ibang tema, hindi lamang sa mitolohiya at horror, tulad ng fantasy, detective fiction at slice of life.
“Gusto sana namin makagawa ng material na makakapagkumpitensya o kaya malapit sa Japanese manga industry,” ani Villanueva na merong paghanga sa anime at manga. “Ang amin lang, kung ang Naruto ay galing sa kanilang mitolohiya, at ibig at sinusuportahan iyon ng tao, bakit wala tayong ganon?”
Samantala, ang Incognito ay isang alternate historical fiction komiks serye na binibidahan ni Antonio Malik, na nainspira sa bayaning si Heneral Luna. Ito ay may apat na kabanata na may temang steam-punk fantasy.
Litrato ni Anne Valmeo
Maliban dito, nagbebenta rin si Villanueva ng kanyang mga pinta ng mga lokal pagkain o nilalang tulad ng taho, hotdog, isaw, sirena at mga karakter sa kanyang komiks. Sa kabilang dako, si Ydunn ay nagbebenta ng mga post cards na nakalarawan ang iba’t ibang tagpo sa kanyang komiks.
Noong tanungin si Ydunn ukol sa buhay bilang isang taga-dibuho, siya’y napangiti nang kusa, “Kailangan mo lang gumawa nang gumawa. Siguro tungkol siya sa pagpili ng tao at paghanap ng market. Dati, akala ko, sapat na ang may market—ngayon, naisip ko…kayang kaya mapalaki ang isang audience.”
21 na tagapaglathala, mga pintor, at may-akda ang sumali sa nasabing kaganapan na nilahukan ng mahigit 1,000 na magiliw na mga mambabasa. Visprint, Adarna House, Central Books Supply, Anvil Publishing, at Card MRI ay iilan lamang sa mga tagapaglathala na lumahok.