Dibuho ni Kyle Paligsa
Dibuho ni Kyle Paligsa.

Pilipinong manunulat, para kanino ang iyong likha?


Tangkilikin ang sariling atin, kabilang ang ating sariling wika—ito ang tawag sa ating ngayong Buwan ng Wika. Tunghayan ang ilan sa mga manunulat na Pilipino na nagbibigay liwanag sa maraming paksa, karanasan, at reyalidad sa ating lipunan.


By Beatrice Quirante, and Carlos Mendoza | Monday, 31 August 2020

Mayroong espesyal na lugar ang bawat manunulat na Pilipino sa ating bansa. Hanggang sa kasalukuyan, ang kanilang mga katha ay patuloy na sinusulat ang ating kasaysayan at hinuhubog ang ating lipunan. Bawat isa sa kanilang mga ginawang sining ang nagbubuklod sa tunay na kalagayan ng bansa, pag-unlad ng ating mga wika, at pagpapakita ng pagkamalikhain ng mga Pilipino.

Sina Dr. Jose Rizal, Claro M. Recto, at Nick Joaquin ay iilan lamang sa mga makasaysayang manunulat sa ating bansa. Ang mga aral at mensahe ng kanilang kontribusyon sa panitikang Filipino ay kasalukuyang pinag-aaralan sa bawat silid aralan. Bagaman wikang dayuhan ang kanilang ginamit para sa kanilang mga likha, ang diwa ng kanilang mga isinulat ay nagbigay inspirasyon sa mga sumunod na henerasyon ng Pilipinong manunulat. 

 

Mga modernong Pilipinong manunulat

Sa paglipas ng panahon at patuloy na pagbabago sa lipunan at kulturang Pilipino, lumilitaw ang iba’t ibang literatura na nagbibigay sulyap sa mga nangyayari sa ating bansa. Isang halimbawa na lang nito ay ang Dekada ‘70 ni Lualhati Bautista na nagsasalaysay ng mga karahasan at karumal-dumal na mga pangyayari ng panahon ng diktaturyang Marcos. 

Hanggang sa kalalukuyan, napakaraming magagaling na Pilipinong manunulat ang taon-taong naglalabas ng mga katha na may iba’t ibang mahahalagang tema. Narito ang kwento ng ilan sa mga mahuhusay at pinangaralan na manunulat sa ating bansa, na kinapanayam ng The Benildean, na nagsisilbing patunay sa patuloy na kaunlaran ng ating wika.

 

Luchie B. Maranan

Si Bb. Maranan ay ang may-akda ng Ang Pangat, ang Ilog, at ang Lupang Ninuno, isang maikling kwentong pambata nailimbag noong 2013 na nagsasalaysay ng laban ng isang lider ng tribu sa Kalinga para sa kanilang lupang ninuno. Ito ay umani ng parangal mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, ang pinakamataas na parangal sa panitikang Filipino.

Laking Baguio si Bb. Maranan at elementarya pa lamang ay mahilig na siya magsulat ng mga tula at sanaysay. Isang malaking inspirasyon para sa kanyang mga katha ang magandang kalikasan kanyang kinalakihan. Ang kanyang panganay na kapatid ang siyang nagtulak sa kaniya upang subukan at hasain pa ang kaniyang talento sa pagsusulat. 

Isang aktibong miyembro ng lipunan si Bb. Maranan. Naging aktibista siya noon na lumalaban para sa kabutihan ng rehiyon ng Kordilyera. Aniya, ang kanyang pagsali sa mga usaping pulitikal at pampamayanan ay isa sa mga pinagkukunan niya ng materyal o paksa para sa kaniyang mga sinusulat. 

“Makialam, magmasid, subaybayan ang pagladlad ng kasaysayan, at itala ang iyong pananaw o damdamin ukol sa mga ito. Laging isipin, bahagi ka ng lipunan,” ani Bb. Maranan.

Chuckberry J. Pascual

Sana sa susunod hindi na tayo [nagdiriwang ng] Buwan ng Wika. Kapag nawala na ang Buwan ng Wika, ibig sabihin nagtagumpay na ang wikang pambansa.”

Si Ginoong Pascual ay umani na ng iba’t ibang parangal sa kanyang mga isinulat. Ang pinakasikat niyang katha ay ang nobelang Ang Nawawala, ito ay kwento ni Bree, isang baklang receptionist at masahista na nagiimbestiga ng mga krimen sa kanilang barangay.  Nanalo ito ng Best Book of Short Fiction in Filipino noong 37th National Book Awards noong 2018.

Karaniwang bakla ang mga protagonista na ginagamit ni G. Pascual at kahit sinabihan siya na hindi mananalo ng parangal ang kaniyang mga isinulat, patuloy pa rin niya ang pagsulat niya ng mga karakter sa perspektibo ng LGBTQIA+.

Payo niya sa ibang mga manunulat na gustong maging mahusay, kailangan lang nilang magbasa at magsulat. Dapat tuloy-tuloy lamang ang pagsanay at pagbabasa dahil mayroong laging aspeto sa pagsusulat ang maaari pang paghusayin. 

Para sa kanya, ang mga manunulat ang malikhaing nagtatala ng ating kasaysayan. Magmula noong panahon ng mga mananakop, diktaturyang Marcos, at sa kasalukuyang panahon ng pandemya, ang panatikan ay bahagi na ng lipunan. Ito ay kadalasang reaksyon sa mga pangyayari sa kasalukuyang panahon. Ano man ang kinahaharap, nakahahanap ng paraan ang mga manunulat na ipakita ang tunay na itsura ng lipunang Pilipino.

  

Paolo Tiausas

“Mas mahalaga na magamit ang alinmang landscape ng wika na ginagalawan bilang instrumento sa pagkatha ng ating katotohanan.”

Isa sa mga tumanggap ng parangal na Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2016 ang junior editor na si Paolo Tiausas. Aniya nagsimula ang kanyang hilig sa pagsusulat pagtungtong ng hayskul dahil sa pagnanais na maihalintulad ang kanyang mga isinulat sa mga liriko ng mga sikat na kanta noon. Kilala bilang isang “Inglesero,” ang kanyang mga isinulat noon ay nasa wikang Ingles. Subalit, pagtungtong ng kolehiyo, patuloy na niyang pinipili ang wikang Filipino sa kanyang bawat likha.

Si Benilda Santos ang hinahangaan niyang makata, kung saan malaki raw ang naging impluwensiya nito pagdating sa kanyang pagtutula. Isa sa mga dahilan kung bakit niya tinitinggala si Gng. Santos ay dahil sa mga paksa nitong nababalot sa hiwaga at pagkababae.

“...Naniniwala akong pinakamahalaga sa pagsusulat ang pagkakaroon ng paninindigan sa paksa at katotohanang nais mong tahakin, baybayin, at ibahagi sa iba,” paliwanag ni G. Tiausas.

Mula sa “pag-iisa,” nais niya ngayon na maging mapanuri sa paksang “pagkalalake.” Sa paksang ito umiikot ang kanyang paboritong likha na isang koleksiyon ng mga “palaban” na tula na pinamagatang Lahat ng Nag-aagnas ay Inaagnas. Tungkol din ito “sa pagpuna ng mga kakulangan at kalabisan ng mga lalake, sa isang mundo at kasaysayang lagi silang pinapaburan.” Dagdag pa niya, ang curator na si Lex Balaguaer ang nag-udyok sa kanya na simulan ang koleksiyon na ito sapagkat inimbitahan siya nito na itatampok ang kanyang mga likha sa online art gallery na Curare Art Space

Itinanghal ni G. Tiausas ang dalawa sa mga tulang kinapapalooban ng kanyang paboritong likha: ang Pambungad sa Angas at ang Isang Pakikipagtuos sa Bungo ng Pusa sa Kalsada. Ang naunang binanggit ay tungkol daw sa iba’t ibang mga pinagmumulan ng “angas” ng isang bata na kanyang nadadala sa kanyang pagtanda, na aniya, maihahalintulad sa mga “imahen ng lalake sa kulturang popular.” Sa kabilang dako, ang pangalawa naman daw ay binigyang-diin ang galit sa naunang tula, kung saan tinalakay niya ang mga “pasakit at sumpa” na ibinabato ng lalake sa kanyang sarili dahil sa pagbulag-bulagan na pagsunod sa mga pamantayan.

Sa kasalukuyan, my heart is an edge / ang puso kong hiwâ, ang kanyang pinakabagong naisapublikong akda na kanya pa ring ibinebenta, at ang TLDTD naman ay ang kalulunsad lamang niyang online poetry journal kasama ni Nikay Paredes. Aniya, multilingual ang TLDTD kung saan matatagpuan ang mga tulang nakasulat sa Tagalog, Ingles, Cebuano, Bantayanon, Bicolano, at Hiligaynon na binuo para sa mga kontemporaneo at mas batang makatang Filipino.

Puso Kong Hiwa

Photo courtesy of Mr. Paolo Tiausas

Ang mensahe niya para sa mga Pilipinong naghahangad maging manunulat ay “Maraming mga magtatangka na magdikta sa iyo tungkol sa pagsusulat—kesyo kailangan ganito, kesyo kailangan ganiyan. Hindi ako nagbibiro: marami sa kanila ang hindi mo kailangang pakinggan (kahit kasama man ako doon). Basta lubos mong alam at kilala ang sarili mong pagsusulat, wala kang kailangan ipangamba.”

 

Beverly “Bebang” Siy

Umani ng parangal na Filipino Readers Choice noong 2012 ang may-akda ng It’s a Men’s World at isa sa mga Book Champion at Intellectual Property Ambassadors noong 2015 na si Bebang Siy. Ayon sa kanya, nagsimula siyang magsulat ng mga akda dahil sa pagnanais na makita rin ang pangalan niya noon sa pahayagan ng kanilang paaralan tulad ng kanyang pinsan. Dahil dito, nagsimula siyang magsulat ng mga tula, pati na rin ng mga biro na ang paksa ay umiikot sa kanyang paaralan.

Sa lahat nang kanyang naipalimbag na likha, ang kanyang paborito ay Ang Lugaw, Bow na tungkol sa mga kalokohan ng kanyang ama, sapagkat mahusay raw niyang nagawang magaan ang mga mabibigat na paksang nakapaloob sa akda.

Karaniwang umiikot ang tema ng mga gawa ni Bb. Siy sa kanyang personal na karanasan, kung saan ang pinakasikat niyang akda, ang It’s a Men’s World, ay kinapapalooban ng mga tunay na pangyayari sa kanyang buhay na mapapasin sa mga tula, liham at iba pa. Sinasalamin din nito ang mga realidad sa lipunan na pinapagaan ng mga biro o pagpapatawa. 

Aniya, ang aklat na ito ay isang academic requirement para sa kanyang masteral na klase sa Editing, Copyright at Pampanitikang Paglalathala, kaya naman hango ito sa wikang Filipino. Isinalaysay din niya ang mga pagsubok na kanyang dinanas sa paghahanap ng palimbagan upang maipalabas ito.

Mababasa at makikita ang ilan sa kanyang mga likha sa kanyang blog at Facebook. Maaari rin itong bilhin o makita sa ilang  mga branch ng National Bookstore (It’s A Mens World, It’s Raining Mens, Marne Marino, Paper towns, Pukiusap), Visprint Inc. (Nuno sa Puso Pag-ibig, Nuno sa Puso Relasyon), at Balangay Productions (Biyak, Lila Mga Tula).

Para sa mga baguhang mga manunulat, kanyang ipinapayo na “dapat huwag kang mahiya na magtanong ng writing assignment. manghingi ka, kung puwede naman.” Ayon sa kanya, hindi dapat ikahiya ang paghihingi ng isusulat, lalo na’t kung ito ang iyong talento.

Handog ng iba’t ibang manunulat ang kanilang mga rason para ipagpatuloy ang kanilang propesyon. Gamit ang wikang Filipino at ang iba pang mga wika at dayalekto sa Pilipinas, kanilang ipinagpapatuloy ang paggawa sa kanilang mga obra. 

Ito ang isang bagay na hinding-hindi mawawala sa mga manunulat—ang kanilang pagnanais na mabigyan ng ilaw ang ilang mga panlipunang paksa at magsilbing boses ng ilan sa masa.

Last updated: Wednesday, 2 September 2020