Ang “Hayop Ka!: The Nimfa Dimaano Story” ay ang kauna-unahang animated na pelikulang Pilipino na itinampok noong Oktubre 29 sa Netflix. Ang pelikulang inabot ng higit tatlong taon sa paggawa ay nasa direksyon ni Avid Liongoren at patungkol sa buhay ng pusang si Nimfa na kailangang pumili sa kaniyang dyanitor na nobyong si Roger at negosyanteng si Iñigo. Nakakatawa man at maaaring taklesa, binuksan nito ang buhay at kwento sa romansa ng mga Pilipino at nagbigay liwanag sa mga isyu sa bansa.
Ang pelikula’y panulat nina Manny Angeles at Paulle Olivenza, kasama ang lead animator na si Jether Amar, at ang mga iba pang animators na mayroong “9-to-5 job” o trabahong nakaayos sa pangkaraniwang kalakaran. Layunin ng mga gumawa na mas mapayabong ang sining ng animation sa bansa at magbukas ng mas marami pang oportunidad ang industriya.
Tinalakay ng pelikula ang hindi pangkaraniwang pamantayan ng manonood sa paglalahad ng mga metaporang nagpapahiwatig ng mga malalalim na ideya—ang rason na makapagpapakita na ang karikatura ay hindi lamang para sa mga bata. Sa pagtakbo ng pelikula, masisilayan ang Maynila sa makulay na sinematograpiya. Dagdag pa rito ang talento ng animators at mga artistang nagbigay buhay sa bawat elemento nito. Kaya naman kasabay ng paglabas nito sa Netflix ay ang pag-trend ng #HayopKa kasama ang patuloy na pagmumungkahi ng mga netizens na suportahan ang lokal.
Si Nimfa Dimaano (Angelica Panganiban) ay isang magandang pusa, tindera ng pabango sa mall, at breadwinner ng pamilya. Kasama ang nobyong si Roger Europeo (Robin Padilla), nanirahan sila sa Maynila. Subalit sa halos araw-araw na pagkain ng buy one, take one na pares, pagsakay sa motorsiklong mausok tuwing uwian, at buwan-buwang pagsalo sa pagbabayad ng renta, nagsimula ang kanyang hangarin na umunlad at makamit ang marangyang buhay. Kaya naman nang kanyang makilala si Iñigo Villanueva (Sam Milby), tila nalimutan niya ang katapatang pinangako niya sa nobyo dahil sa pintuan ng oportunidad na bumukas para sa kanya.
Bukas sa malalayang paksa
Isang nakabibilib sa pelikula ay kung gaano ka-natural ang mga linya pagdating sa sekswalidad; isang bagay na hindi karaniwan sa karamihan ng mga pelikulang Pilipino. Ayon sa Commission of Population, hindi pa rin bukas ang mga magulang sa mga usapang pagtatalik at sekswalidad. Hindi maiiwasang masabi na isa pa ring taboo ang usapan tungkol sa pagtatalik o maski ang konsepto ng “live-in.”
Walang ka-sensor sensor, kaya madadala ka sa tama nito sa komedya–mga linyahan na maririnig lamang mula sa kasintahan, o sa barkada. Mapapanood at mapapakinggan sa pelikula ang kaswal na kumustahan nina Jhermelyn (Arci Muñoz) at Nimfa ukol sa kanilang karanasan sa pagsisiping habang sila ay kumakain ng kanilang tanghalian. Maririnig din ang mga kaswal na palitan ng mga R-18 na linya ng mga karakter.
Repleksyon ng lipunan
Mapapansin na may mga tinatalakay ito na pulitikal sa ibang aspeto–kasama na rito ang sitwasyon ni Nimfa. Habang magdamag siyang nakatayo at nagbebenta ng pabango, si Iñigo naman ay bumili ng isang restoran sa halagang ₱70 milyon. Makikita ang agwat ng mahihirap sa mayayaman at kung gaano kabilis para sa kanila ang bumili ng mga mamahaling bagay. Maganda ring bigyan-pansin ang pagbanggit sa kontraktuwalisasyon, habang sinasabihan ni Nimfa ang kanyang nakababatang kapatid, na nabuntis, na magsikap sa pag-aaral, upang hindi siya matulad sa kanya na “maghahanap ng trabaho kada-anim na buwan.” Mahalaga ring banggitin ang isyu sa maagang pagbubuntis, sa mapapansing suliranin sa lipunan.
Sa ilalim ng male gaze
Ang karakter ni Nimfa ay nasa ilalim ng matatawag na “male gaze” na tipo ng pelikula. Ayon sa The Conversation, ang mga ganitong pelikula ay nagpapakita sa kababaihan bilang “bagay” batay sa kagustuhan ng mga lalaki, at kadalasan mga biktima. Sa eksena ni Nimfa kausap ang tagapagsalita sa radyo, siya ay sinabihan ng “social climber,” “malandi,” “pokpok” ngunit masama ba sa isang Pilipino na mangarap nang maayos na buhay? Tunay ngang mali ang mangaliwa, subalit makikita rin na ang kamalian ni Nimfa ang nagdala sa kanya sa daang nagpatibay sa kanyang pagkababae–napagtanto niyang kaya niyang tumayo sa kanyang sariling mga paa, kahit na walang kasintahan sa buhay.
Hinihimok ng pelikula ang pagpapahalaga ng manonood sa sining at higit na suporta sa lokal na industriya ng pelikula. Layunin din nito ang pagmulat ng mata ng mga Pilipino hinggil sa posibilidad ng mga paksang malalaya. Samakatuwid, ang paggamit ng animasyon ay isang magandang ideya para sa mga tao sa likod ng pelikula. Dahil ang sining ay isang malalim na instrumentong may kakayahang magpahayag ng malalawak at malalalim na paksang mahirap mang unawain ngunit may makabuluhang epekto kung ito ay iintindihin.
Kaakibat ng buhay ang mga yugtong handog ang pagbabago at mga desisyong kailangang piliin. Minsan, hindi ito tumatakbo sa paraang inaasahan natin sa kabila ng ating mga desisyon sa buhay. Kaya naman may mga pagkakataong sumusuko tayo sa ating mapupusok na hangarin—ito man ay nakabubuti o hindi. Hinggil dito ang pelikula na naglalayong imulat ang ating mga mata sa malupit na katotohanan.