“Pinag-aaral kita, tapos ganito lang gagawin mo sa’kin?”
Mula sa direksyon at panulat ni Jun Robles Lana, nagkamit ang “Kalel, 15” sa 43rd Gawad Urian Awards ng Best Actor at Award for Best Screenplay mula noong ipalabas ito sa sinehan noong Disyembre 2019. Muling binuksan sa publiko ang “Kalel, 15” nang isama ang obrang ito sa content streaming platform na Netflix matapos ang isang taon.
Tampok ang mga beteranong aktor na sina Eddie Garcia at Jaclyn Jose, kasama ang umuusbong na bituin sa industriya na si Elijah Canlas; isinasalaysay ng “Kalel, 15” ang buhay ng binatang may Human Immunodeficiency Virus (HIV) at ang pakikibaka ng lipunan laban dito.
Katotohanang hindi matatakasan
Kamangha-mangha ang pagpapamalas ng realidad sa pelikula na sumasalamin sa lumalalang krisis sa bansa at kung paano pilit ipinagsasawalang bahala ng lahat. Ang bawat senaryo ay labis na makatotohanan at tila hango sa tunay na buhay ng kabataang lulong sa bisyo, salat sa aruga ng mga magulang, at nasasadlak sa dagok na hatid ng karamdamang hindi pa lubusang natutuklasan ang lunas.
Halimbawa ay si Kalel na mas inuuna pang uminom kasama ang barkada kaysa mag-aral, pati na ang kapatid niyang nagdodroga kasama ang kasintahan. Madaling hulaan ang ilan sa mga eksena ngunit marami pa rin dito ang gugulat sa mga manonood. Pinaigting ang pambihirang kwento ng napakahusay na pagganap ng mga premyadong aktor at aktres na sina Eddie Garcia bilang pari na may anak at Jaclyn Jose na isang dereliktong ina, na sinabayan rin ng natatanging pag-arte ni Elijah Canlas bilang Kalel.
Isiniwalat din sa pelikula kung paano winawasak ng taliwas at watak na pamilya ang pag-asa ng isang ligaw na kabataan na makapagbagong buhay.
Pasan ni Kalel ang bigat ng pagiging anak ng isang pari sa babaeng nakiki-apid sa sari-saring lalaki. Dala ng kaniyang inang inuuna ang ibang kasintahan bago ang mga anak, amang tinitingala sa simbahan, kapatid na kapwa tinatakasan ang buhay, at mga barkadang walang pinatutunguhan, hinubog ang katauhan ni Kalel bilang isang napakalaking kasalanan. Napakatapang ng paglalahad sa mga bahid ng dumi sa sari-saring mukha ng pelikula at binabali nito ang paniniwalang ang lahat ng maka-Diyos ay mabuti.
Tila walang takas ang sinuman sa dilim ng katotohanan at lahat tayo’y may mga lihim na pilit ikinukubli.
Walang pag-asang mundo
Isang pansin sa pelikula ay kung gaano ito mas nagpokus sa stigma kaysa sa mga solusyon. Ang mga epekto nito ay mental at kakaunti lamang ang pinapakita na epektong pisikal. Upang makadagdag sa pagiging moderno ng pelikula, idinagdag sana ang impormasyon na ang gobyerno ay sumusuporta sa libreng pagpapagamot at pagpapatest sa HIV. Ito ay ayon sa World Health Organization at may listahan din ng mga klinika na maaaring magpakonsulta mula sa probinsya at sa Maynila.
Pilit kinakalaban ng mundo si Kalel sa napakaraming aspeto—ang kaniyang pamilya, mga kaibigan, at ang lipunan. Tiyak na naninirahan siya sa isang nakalalasong sistema at paligid na walang balak tumulong sa mga tao na may HIV. Walang paktor o tao na lumiligtas sa bida hanggang huli–na maski si Kalel, hindi man lang kayang iligtas ang sarili niya, na nakita sa tinahak niyang landas. Subalit baka iyon nga ang intensyon ng pelikula–ito ay isang tibok ng puso at unti-unti tayong pinapatay. Kinikitil ang ating pag-asa, lalo na sa mga taong mahihirap na walang kaalaman at walang kayang magpagaling sa sarili nila.
Maituturing na ang maestra, ang realismo nito, at ang pagsisid sa malalim na diskusyon ng HIV ay nagpapakita kung gaano hindi makatutulong ang pagsisisi o pagpaparusa sa mga taong meron nito. Mula sa sandaling nalaman ni Kalel ang kaniyang sakit, hanggang sa patuloy na umiiwas ang liwanag ng gabay mula sa kaniyang pamilya, ang buhay niya’y nanatiling madilim at black-and-white gaya ng pelikulang ito.
Mahalaga, sa pagkatapos ng araw, ay magkaroon ng maayos at ligtas na patnubay mula sa kaibigan at pamilya—bagay na hindi nakamit ni Kalel.