Mula sa direksyon at panulat ni Antoinette Jadaone, ipinamalas ng “Fan Girl” ang buhay ng isang tinitingalang artista sa likod ng mga tili at palakpakan. Sa tampok na kakaibang pagganap nina Paulo Avelino at ang nagniningning na si Charlie Dizon, makikita rin ang misteryo ng labis na pag-idolo sa mapang-abusong personalidad ng industriya at lipunan.
Sa ginanap ang Gabi ng Parangal para sa 46th Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Dis. 27, humakot ng siyam na parangal ang pelikula at mga miyembro ng produksyon nito. Nag-uwi ng “Best Director” at “Best Screenplay” si Antoinette Jadaone habang si Paulo Avelino nama’y nanalo ng “Best Actor in a Leading Role, Charlie Dizon para sa “Best Actress in a Leading Role, at ang pelikula ng “Best Picture,” “Best Sound,” “Best Editing,” at “Best Cinematography” at pati ang ikatlong pwesto sa “Best Float” award.
Ang pausbong na bituing si Dizon, o si April Matienzo sa tunay niyang pangalan, ay isa ring Benildyanong nagtapos sa kursong Human Resource Management.
Babala! Mag-ingat sa iniidolo mo
Umikot ang pelikula sa buhay ng fangirl na si Jane (Dizon), isang 16-anyos na estudyante at “obsessed” sa aktor na si Avelino, na gumaganap sa sarili niyang karakter. Mula sa edad, mga paborito, at hanggang sa progreso nito sa kaniyang buhay artista, ginampanan ni Dizon ang epitomya ng isang bulag na taga-sunod sa kaniyang idolong may kaakit-akit na biswal at mahusay na pag-arte.
Nang magkita sila sa personal, sa kadahilanang nagtago si Jane sa pick-up truck ni Paulo, iba ang nadiskubre ng dalaga mula sa nakasanayang kaniningan at personalidad sa harap ng kamera.
Hanggang saan ang susuungin at ang patuloy na pagbubulag-bulagan sa katotohanan?
Mula sa perspektibo ng mga manunuod, isang tipikal nakakakilig at nakakatawang pelikula ang maaring asahan, subalit ang direktor at ang mga tao sa likod na ito’y nagbigay ng mas malalim na kamalayan laban sa mga sikretong kinukubli noon at sa kasalukuyan.
Patriyarkal na lipunan, bangungot sa bawat Pilipino
“Kababae mong tao, ang dugyot mo.” - Benjo
“Bakit ka nagagalit, eh kabit ka rin naman?” - Jane
Bukod sa nakaka-ugnay sa mga tagapagsubaybay ng sinusuportahan na artista, nagpapakita ng tunay na sitwasyon ng buhay ang pelikula. Maaaninag sa biswal na representasyon nito ang masalimuot na hinaharap ng karamihan sa lipunan—mula sa pagtitiis sa abuso hanggang sa pagsamba sa iba na naapektuhan ang prinsipyo at kawalan ng kamalayan sa sarili.
“Sana pagkatapos nating manood ng Fan Girl, sana’y lagi nating isipin na palakihin natin ang ating kabataan at kababaihan sa isang mapagpalayang Pilipinas. Laging iniisip na sila ang kinabukasan ng ating bayan at tayong mga matatanda, ang dapat ang nagbibigay sa mga kabataang ito ng dapat nilang gayahin,” ani Jadaone sa panayam sa Rappler.
Ilusyon o katotohanan?
Ibang klase ang pagpapamalas ng realismo sa pelikula at tunay na marapat ang lahat ng bumubuo nito sa mga nakamit na parangal. Napakatalino ng pagkakatahi ni Jadaone sa bawat eksena, maging ang misteryo sa buhay ng isang artista ay tunay na kikiliti at babasag sa imahinasyon ng mga manonood. Bukod tangi ang sinematograpiya at tunog na maririnig sa palabas, kung saan nagbigay buhay ang paggamit ng hininga ng dalawang bida bilang musika sa eksenang pinapakita ang imahinasyon ni Jane. Gayundin, epektibo ang pagganap ni Paulo bilang sa sarili niyang pangalan dahil binubura nito ang limitasyon ng realidad at showbiz.
Bagama’t medyo nakakalula ang mga detalye ng pelikula, lalo nitong pinatibay ang mensahe bilang kabuuan—mula sa labis na pagkonsumo ni Paulo at Jane ng sigarilyo at alak bilang placebo effect upang takasan ang kani-kanilang realidad, ang pagpapakita ng pag-ihi ng bidang lalaki kung saan-saan, at ang nagkalat na tarpaulin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sari-saring lugar—napakalinaw ng nais iparating ng Fan Girl; ang wasakin ang sistema at gisingin ang mga panatikong bumubuo rito.
Samakatuwid, nais ipabatid ng Fan Girl ang kaibahan ng umiidolo sa humahanga; at kung bakit gaya ng dyip sa unang eksena, nananatili ang sistema kung saan nakikisiksik lamang ang kababaihan sa biyahe ng Pilipinas na pinaghaharian ng mapagsamantalang kalalakihan. Hindi ito ginawa para lamang maging boses ng minamaliit, kundi bilang instrumento para sa malakas na ugong nito sa pagtigil ng siklo ng maraming ng karahasan.
Hindi ka “babae lang.” Babae ka.
Sa halagang 250 pesos, mapapanood ang “Fan Girl” sa Upstream website hanggang bukas, Enero 7. I-click lamang ang link na ito.