Mula sa pelikulang "#Jowable," inihandog muli ni Darryl Yap ang kaniyang katangi-tanging pag-iisip at inilabas ang “Tililing” noong Marso 5 sa Vivamax. Pinagbibidahan ng mga beteranong artistang sina Gina Pareño, Baron Geisler, at Candy Pangilinan, na sinamahan din nina Donnalyn Bartolome, Yumi Lacsamana, at Chad Kinis, naging usap-usapan sa social media ang tila maling representasyon ng pelikula sa mga taong may sakit sa pag-iisip at mas umusbong muli ang tawag na palawigin ang kaalaman ukol sa kalusugang pangkaisipan.
Isinalaysay ang pelikula sa lente ng tatlong pilyang nars na intern na ginampanan nina Candy Pangilinan (Maricel), Donnalyn Bartolome (Espie), at Yumi Lacsamana (Jessa). Dahil sa isang aksidente, nabuksan ang kulungan ng mga pasyente ng Home of the Healing Heart Philippines–kung kaya’t nagkaroon ng lockdown sa ospital at nakulong ang tatlong nars, kasama ang mga pasyente. Sama-sama nilang sinubukang tumakas papalayo, subalit kanilang nakilala ang tatlong “espesyal” na pasyente, na ginampanan nina Gina Pareño (Socorro), Baron Geisler (Peter), at Chad Kinis (Bernie).
Sa kabila ng pagpunang natanggap ng pelikula at ng direktor na si Darryl Yap, inanyayaan na lamang niyang manuod ang mga tao bago magbigay ng kritisismo tungkol sa kaniyang obra–at iyon ang aking ginawa.
Walang patutunguhang kwento
Ang pelikula ay kinulayan ng halos itim at puting tinta, sinabayan pa ng halos katakot-takot na aura kung kaya’t mapapaisip ang manonood kung ano nga ba ang kategorya ng pelikulang ito. Komedya? Katatakutan? Subalit para kay Yap, mahirap ihanay sa mga kategorya ang “Tililing.”
Marahil ito ay dahil walang katuturan ang kwento ng pelikula. Hindi alam ng manonood kung sila ba’y tatawa tuwing may nagmumurahan at nagsisigawan sa eksena (na hilig ilagay ni Yap sa kaniyang mga gawa) o maiiyak tuwing nagkukwento ang pasyente tungkol sa kaniyang mga pinagdaanan. Subalit walang pag-aalinlangang masasabi na layunin ni Yap gawing katatawanan ang pelikula at itutok ang lente sa mga isyu ng pang-mental na kalusugan–at wala ring pag-aalinlangang masasabi ko na hindi nito nakamit ang mga layuning nabanggit.
Maaari ring sabihing dark comedy ang pelikula, subalit hindi ba dapat nakakatawa pa rin ito? Imbes na matawa ang manonood ay maiinis na lamang. Halimbawa, mapapanood sa pelikula ang pag-aaway nina Espie at Jessa ukol sa ninakaw na panty, ilang minuto rin ang ginugol ng pelikula sa awayan nilang puro sigawan at murahan lamang. Isa pang paraan ng pelikula upang “magpatawa” ay ang paggamit ng tililing ng kampanilya upang maging palatandaan ng mga nars na sila’y hindi kagaya ng mga pasyente, na mayroong tililing o “may sayad.” Talagang walang katuturan ang kwento dahil sa samu’t-saring eksenang hindi konektado sa isa’t-isa. Makikita ang pilit na pagpapatawa, subalit kaawa-awa itong pumalpak.
Maliban dito, makikita sa pelikula ang pilit na paggawa ng shock art. Kagaya na lamang noong walang sabi-sabing nag-alis ng mga panlabas na damit ang dalawang nars. Hanggang matapos ang pelikula’y hindi na nila isinuot ang kanilang mga damit muli–isa na namang isyu sa pelikula dahil ano naman ang punto ng dalawang nars na walang suot na damit? Dinagdagan pa ng senswal na tugtugin sa likuran habang nakikipagbatuhan ng dumi at ihi ng tao sa isang pasyente.
Sa katotohanan, mas masisikmura ko pang makipagtitigan sa butiki sa kisame namin kaysa ulitin ang pelikulang ito.
Malawak na agwat mula sa katotohanan
Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), “stereotypical at discriminating” ang poster ng “Tililing.” Kahit na pinahahalagahan ang artistic freedom, sensitibo dapat ang mga talakayan ng mga isyu tungkol sa mental na kalusugan. Ang pelikula ay tila malayo mula rito.
Maraming miskonsepsyon sa mga taong may mental na pangangailangan, at ang pelikulang ito ay mas binigyang diin ang mga hindi kanais-nais na mga kaisipan ukol sa kanila–isang bagay na dapat iwasan lalo na kung malaki ang sakop ng mga taong makakakita. Halimbawa na lamang ang papalit-palit na paggamit ng “baliw,” “topak,” at “may sayad” sa pelikula–tila iisa na lamang ang kahulugan ng mga ito sa mga taong may mental na pangangailangan. Dagdagan pa ng linya ni Cat Cortez, na gumanap bilang head nurse, “Ang baliw, baliw. Kahit saan ka pa sa spectrum; may sayad, may topak, may tililing.”
Nabanggit man sa pelikula, gamit ang karakter ni Maricel, ang iba’t-ibang mental na sakit kagaya ng Post Traumatic Stress Disorder (PTSD) at Obsessive Compulsive Disorder (OCD), kulang na kulang ang representasyon sa pelikula sapagkat lahat ng nasa ospital ay iisa lamang ang ipinapakitang senyales na sila’y mayroong mental na pangangailangan. Maraming mga Pilipino ang nagdurusa sa ganito. Dahil na rin sa mga miskonsepsyon, sila’y natatakot humingi ng tulong sa mga eksperto dahil mababansagan silang “may tililing,” gaya ng nasa pelikula.
Tila nahirapan ako, bilang isang manonood, na humanap ng magandang aspeto sa buong isang oras at 27 minutong pelikula. Ngunit kung tutuusin, karapat-dapat ngang puriin ang mahusay na pagganap nina Pareño at Geisler sa kani-kanilang mga karakter. Subalit tila isang lamat sa kanilang makulay na karera ang pagsama sa isang pelikulang napaka-insensitibo sa kinakaharap ng milyun-milyong mga tao. Kanilang ipinamalas at ipinaalala sa mga manonood na bawat tao ay mayroong kwento sa likod ng kanilang sitwasyon; ito marahil ang pinaka-punto ng pelikula, subalit ito’y lubhang natabunan ng mga walang katuturang pagpapatawa at mga mura.
Sa makabagong panahon natin ngayon, hindi mahirap ang maghanap ng impormasyon ukol sa mga ganitong isyu. Ang mga taong may mental na pangangailangan ay hindi iisa ang mukha. Marahil ang pinaka-masayahin mong kaibigan ay may kinakaharap pa lang sariling pagsubok na hindi niya ipinapakita. Nawa’y iwasan na natin ang pagkakaroon ng miskonsepsyon sa mga taong may mental na pangangailangan, dahil imbes na sila’y mas maging bukas sa paghingi ng tulong, mas lalo silang matatakot dahil mag-iiba ang tingin ng mga tao sa kanila.
Imbes na sayangin ang buong isang oras at 27 minuto sa pelikulang pilit na tinatalakay ang mga mental na isyu, palawakin na lamang ang kaalaman ukol dito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga pag-aaral at iwan na sa nakaraang dekada ang mapanghusgang pag-iisip sa mga taong may mental na pangangailangan.
ERRATUM: The Benildean made an error in the article posted online on March 18, 2021 titled “Tililing: Mapapanganga ka sa pagkadismaya” which implied that the movie "Ang Babaeng Walang Pakiramdam" had been released, in the statement "Mula sa mga pelikulang '#Jowable' at 'Ang Babaeng Walang Pakiramdam,' inihandog muli ni Darryl Yap ang kaniyang katangi-tanging pag-iisip at inilabas ang 'Tililing' noong Marso 5 sa Vivamax."
We have corrected this to "Mula sa pelikulang '#Jowable,' inihandog muli ni Darryl Yap ang kaniyang katangi-tanging pag-iisip at inilabas ang “Tililing” noong Marso 5 sa Vivamax."
We have already updated the said article. We apologize for this mistake.