Muling mag-aalab ang diwa ng aktibo at kritikal na pamamahayag sa taunang Para sa Bayan at Lasalyano (BayLayn) 2021 na ihahandog ng Ang Pahayagang Plaridel, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral sa wikang Filipino ng Pamantasang De La Salle, at isasagawa gamit ang Zoom at Facebook Live bukas, Mayo 15, sa ganap na ika-1 hanggang ika-5:30 ng hapon.
Kaakibat ang temang “Kritikal na Pag-uulat tungo sa Pagmumulat: Tungkulin ng Kabataan sa Gitna ng Pandemya’t Katiwalian,” isusulong ng BayLayn ang kahalagahan ng paghubog sa mga mag-aaral sa kritikal at aktibong pamamahayag bilang mga mamamayang kinakaharap ang sari-saring isyung panlipunan.
Inanyayahan ng Ang Pahayagang Plaridel ang ilan sa mga pinakatanyag na mamamahayag sa Pilipinas, tulad nina Anjo Bagaoisan ng ABS-CBN Integrated News at Raffy Tima mula sa GMA News and Public Affairs na magbabahagi ng kani-kanilang karanasan sa pamamahayag bilang mga pangunahing panauhin at tagapagsalita ng programa.
Gayundin, imbitado sa isang maikling diskusyon ang mga kilalang personalidad na sina content creator at podcast host Yani Villarosa, vlogger at content creator Gab Campos, at ang youth leader at national convenor ng Youth Act Now Against Tyranny Raoul Manuel upang mamulat ang kanilang kapwa kabataan sa mga responsibilidad bilang mga mamamayang saksi ng katiwalian sa gitna ng lumalalang pandemya.
Sa pagtatapos ng pagpaparehistro noong nakaraang Mayo 1, ang programa ay itinakdang dadaluhan ng daan-daang mag-aaral kasama ang kanilang mga tagapayo ng 39 paaralan mula sa iba’t ibang panig ng bansa na handang hubugin ang kakayahan at palawigin ang kaalaman sa isyung panlipunan. Pararangalan din sa BayLayn 2021 ang pinamakahuhusay na publikasyong pangkampus sa wikang Filipino, ayon sa mga isinumiteng diyaryo ng mga paaralang lalahok sa patimpalak.
Bunsod ng mga pagsubok na dulot nitong pandemya, ang inter-high school competition at workshop ng BayLayn ay isasagawa sa isang Zoom meeting at Facebook live sa halip na programang face-to-face. Gayunpaman, mas pinalawak at pinaigting ang magiging talakayan dahil binuksan na rin ang programa sa mga kabataang mamamahayag hindi lamang sa Luzon kundi sa lahat ng panig ng bansa.
Para sa pinakabagong impormasyon at anunsyo tungkol sa BayLayn 2021, maaaring i-like at i-follow ang kanilang Facebook page at Twitter account.