Mga litrato nina Joshua Bugayong at Denise Paule
Mga litrato nina Joshua Bugayong at Denise Paule.

Tiyempo ng tadhana


Iba’t-ibang kuwento ngunit iisang libro; anong bahagi ka sa yugto ng buhay ng ibang tao?


By Chloe Mari Hufana | Wednesday, 19 May 2021

Tawag kay Martin

Habang seryosong nanunuod ng telebisyon tungkol sa pandemya, tumunog ang selpon ni Martin. 

Isang tawag mula sa kaniyang nanay. Agad na kumunot ang noo niya dahil madalang lamang siyang tawagan ng kaniyang ina, kadalasan ay dahil lamang sa mga pangangailangan sa kanilang bahay.

Alas-nuwebe pa lang ng gabi sa Washington, kaya pasado alas-diyes na ng umaga sa Pilipinas. Balot ng pagtataka si Martin sa tawag ng kaniyang ina.

“Ma? Kumusta po?” Tanong niya habang nakadikit ang selpon sa kaniyang tainga.

“Anak, may balita ako tungkol sa kapatid mo.” Maliit at nanginginig ang boses ng kaniyang ina, halatang hindi magandang balita ang kaniyang ipaparinig kay Martin.


1 1

Pag-alis ni Andie

“Ma, aalis na po ako.” Paalam ni Andie sa kaniyang ina habang suot ang face mask, face shield, at uniporme bilang isang guro. Binitbit niya ang kaniyang bag at agarang pumunta eskuwelahan upang doon gumamit ng Wi-Fi at magturo sa mga estudyante.

“Sige, mag-iingat ka ha.” Sagot naman ng kaniyang nanay habang nakasuot ng daster pambahay habang nag-aayos ng mga gamit sa kanilang tahanan.


2

Balita kay Martin

Mas lalong kumunot ang noo niya.

“Bakit, ma? Kumusta si Mary?”

“Nagkaroon kasi ng krisis sa ospital na pinagta-trabahunan niya, kinailangan nila ng mas maraming nurse. Ilang araw na ring hindi umuwi kapatid mo, nagta-trabaho lang. Kaya naman, nagulat na lang kami nang malaman naming nakuha niya ang virus,” halos pumiyok ang kaniyang ina habang nagkukwento. Bakas ang lungkot sa kaniyang anak.

Napatayo mula sa pagkaka-upo si Martin. Hindi makapaniwala sa kaniyang naririnig.

Pareho sila ni Mary ng kinahinatnan ngayong may pandemya; parehong nakatali sa kanilang sinumpaang tungkulin sa kanilang mga trabaho.

“Ilang araw matapos naming malaman iyon, tumawag ang kasamahan niya at binalitang pumanaw na siya,” ani kanyang ina.


6 6

Tawag kay Andie

Pagdating ni Andie sa paaralan, dumiretso siya sa kaniyang lamesa at nag-ayos ng mga gamit. Hindi niya maiwasang marinig ang usapan ng mga kapwa guro.

“Naku, narinig mo ba na ‘yung bakuna, ire-release na kaso biglang may problema raw,” ani ng babae niyang ka-trabaho.

“Oo nga! Nakakainis naman eh. Ang dami na sanang naligtas na mga buhay. Mas magiging madali na rin sana ‘yung sitwasyon ngayon,” sagot naman ng isa pang babaeng guro.

“Pero mas mabuti na rin sigurong hindi muna ilabas, lalo na kung hindi pa 100% safe. Baka mas maging malala epekto eh.”

“Tama ka diyan. Maghanda na muna tayo para sa online classes natin. Naghihintay na siguro ang mga bata.”

Habang abala si Andie sa pag-aayos ng kaniyang laptop, biglang tumunog ang kaniyang selpon.


4

Panaghoy ni Martin

Agad na naalala ni Martin ang kaniyang miting na dinaluhan noong nakaraang buwan kasama ang mga medical experts tungkol sa kanilang pinopormulang bakuna laban sa birus.

Bilang miyembro ng komite na nag-aaral sa kalagayan ng birus, mayroon siyang ambag sa paggawa ng naturang bakuna. Subalit, mayroong natuklasan si Martin na kakulangan sa kanilang nagawang bakuna, kung kaya’t ipinaglaban niyang huwag muna itong ibenta sa masa.

“Anak, kumusta ‘yung bakuna na ginagawa niyo? Hindi pa ba tapos? Anak, kung nagawa niyo sana nang mas mabilis ‘yon, baka nandito pa si Mary… Baka mas maraming buhay ang nailigtas... Napigilan ang mga ganitong pangyayari...” Patuloy ang hagulgol ng ulilang ina sa kaniyang nawalang anak.

Si Martin, halos matumba mula sa pagkakatayo dahil sa panghihina.

Kasalanan ko ‘to. Isip niya.


3

Balita kay Andie

Bago pa man mag-umpisa ang klase nila Andie, nakatanggap siya ng isang private message mula sa kaniyang estudyante.

“Good morning ma’am. Hindi po ako makaka-attend ng klase natin ngayon dahil pumanaw po ang tita ko dahil sa COVID. Aayusin po namin ng pamilya ko ang burol niya, dahil isang araw lang po ‘yun. Sana po ay maintindihan niyo. Maraming salamat po.”

Biglang nanghina si Andie sa nabasang mensahe. Agad niyang ibinaba ang selpon at ipinatong ang ulo sa lamesa, sabay hawi ng kaniyang buhok papalikod sa kaniyang ulo. Bakas sa kaniyang mukha ang lungkot at pagka-dismaya, iniisip na wala rin naman siyang magagawa upang mapigilan ang nangyari.

Naluha na lamang siya sa sitwasyon ng bansa at ng mga biktima ng pandemya.

Matapos ang ilang minuto, kaniyang sinagot ang mensahe ng estudyante.

“Good morning, Marysse. I’m sending my condolences to you and your family. Don’t worry, you’re excused for today’s meeting and I’ll upload all our lessons in our group. If it’s okay, may I ask the name of your tita, so we can add her to our daily novenas?”

Agad na sumagot si Marysse,

“Thank you so much, ma’am. My tita’s name is Mary de la Cruz. She was a nurse po.”


5

Pamilya ni Martin

Matapos ibaba ng kaniyang nanay ang tawag, naisip ni Martin ang kaniyang mga anak at asawang naiwan sa Pilipinas. Kumusta na kaya sila? Isip niya. Lalo na ang kaniyang panganay na si Marysse, na malapit sa kaniyang tita Mary.

-

Ang kanilang napagtanto

Naisip nina Martin at Andie, kung maagang bang natapos ang mga researcher sa paggawa nito, matatanggap din ba ito agad ng mga taong lubos na nangangailangan, gaya ng mga medical workers?

“Kahit naman gawin ng mga researcher ang trabaho nila, malabo pa ring gawin ng gobyerno ang parte nila…”

“Pahirapan pa ring makakuha ng bakuna ang mga lubos na nangangailangan…”

Napaisip sila. 

Marahil ay hindi.


Ang kwentong ito ay inilathala din sa magasin na The Benildean: Confined.

 

 

 

Last updated: Wednesday, 19 May 2021
Tags: COVID-19