Cover Photo By Jomer Haban
Cover Photo By Jomer Haban.

Red-tagging: Armas ng estado upang patahimikin ang lumalaban


Ano nga ba ang tunay at mas mabigat na implikasyon kapag tinawag kang terorista ng estado?


By EA Rosana | Saturday, 12 June 2021

Pula o dilawan—ganito kung kilalanin ng mga panatiko ng pamahalaan ang sinumang tumataliwas sa mga programang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon. Magmula noong mailuklok si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 ay umusbong ang sari-saring tatak at kulay na ikinakabit sa mga mamamayan ng bansa, partikular na iyong aktibong nakikilahok sa mga diskusyong politikal, maging bahagi man ng kaalyado o oposisyon ng kinauukulan.

 

Pinandidilatan ang kulay ng kalaban

Sa panahon kung saan ang puso ng masa ay sabik sa pagbabago ng sistema, pagpapakilala ng naiibang mukha ng pamumuno ang pinakamadaling oportunidad upang kumbinsihin ang bayan na pumanig at bumoto. Noong halalan 2016, pumatok sa nakararami ang “tapang at malasakit” na tagline ni Pang. Rodrigo Duterte, dahil na rin sa umano’y maunlad at disiplinadong pamamahala niya bilang dating alkalde ng Davao City. Bunga ng pagkakaluklok kay Bise Presidente Leni Robredo na mula sa Partido Liberal at kalaban ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), isinilang ang tunggalian ng Luntian at Dilaw.

 

Patuloy na lumala ang political tagging sa bansa nang minsang isiniwalat ni Bise Pres. Robredo sa kaniyang pag-uulat ang umano’y kapalpakan ng “War on Drugs” na pangunahing programa ni Pres. Duterte; kung saan nagmitsa ito ng galit ng pangulo hindi lamang sa bise kundi pati na rin sa binansagan niyang mga “dilawan.” Dumagsa rin ang mga trolls magmula pa noong 2014, na kilala sa bansag na ‘Duterte Diehard Supporters’ o DDS, bunsod ng epektibong social media campaign para kay Pang. Duterte; na silang ginamit bilang panangga sa mga kritiko ng bansa. 

 

Napag-alaman din na ang mga nasabing troll ay ang sanhi ng red-tagging na nambibintang sa mga institusyon at unibersidad sa bansa bilang di umano’y “recruitment basin” ng CPP-NPA. Bagaman walang tuwirang katibayan ng pagkakaugnay sa komunismo, patuloy ang mga paratang na pinagdurusahan ng mga aktibista at naghahatid sa kanilang buhay sa bingit ng peligro.

 

Palabang mga babae, pinagbibintangang militante

Habang lumalakas ang panawagan ng mga Pilipino laban sa mga isyu ng pamahalaan nitong nakaraang taon, naging malimit rin ang pag-atake sa mga kilalang personalidad na nagpapahayag ng oposisyon sa kinauukulan; gaya ni Angel Locsin, na nagsalita laban sa pagpapasara ng ABS-CBN at inulan ng pan-re-red tag mula sa trolls. Mariing tinutulan ni Locsin ang panghihikayat sa kabataan na maging kasapi ng NPA, ngunit aniya, “Pareho tayong mayroong karapatan sa ating mga sariling paniniwala. Kung magkaiba tayo, hindi ibig sabihin pwede mo na ako i-red tag. Hindi tayo magkakalaban dito.”

 

Bago pa maisabatas ang Anti-Terror Law, kaliwa’t kanang ilegal na pang-aaresto ang isinagawa ng kapulisan sa mga sibilyang nagkikilos protesta kahit pa sila ay matagumpay na sumusunod sa quarantine protocols. Halimbawa na lamang ay noong Hunyo 2020 kung saan ginanap ang Pride Protest bilang oposisyon sa banta ng noo’y Anti-Terror Bill, tahasang inaresto ng mga pulis ang 20 miyembro ng LGBTQIA+ community sa hindi mapangatwiranang dahilan.

 

Sa paghiyaw ng aktibismo upang palakasin ang tunay na daing ng masang api, pinararatangan ng estado bilang CPP-NPA ang ang mga nagsasalita laban sa kanila hindi lamang para mapatahimik at ilagay sa peligro ang buhay nila, kundi tila bang magdahilan din na tama ang pagpatay sa kanila dahil sila’y komunista. Naging susi ang Anti-Terror Law upang tuwirang akusahan bilang rebelde, pagbantaan ang buhay, at paslangin ang sinumang pinaghihinalaang terorista, may katibayan man o wala. Maraming sibilyan, na binubuo ng mga aktibista, kritiko, at katutubo na kung hindi pa man pinatay na ay nasa bingit ng kamatayan dahil sa paniniil ng batas na ito.

 

Ang pagtatak sa mga Pilipino bilang dilaw o luntian ay hindi lamang basta bunga ng tunggalian sa halalan, ‘pagkat kalakip nito ang paratang sa mga kritiko bilang pula na siya ring kulay ng dugo na dumadanak sa bawat buhay na pinapaslang. Pakatandaan sana nating magkaiba ang panatismo sa pinuno at pag-ibig sa tinubuang lupa. 

 

Kailanman, hindi katwiran ang naiibang prinsipyo sa politika upang pumatay ng lumalaban para sa masang api; balang araw, babawiing muli ng mga Pilipinong binawian ng buhay ang kaniyang kalayaan.

 

Ang artikulong ito ay inilathala din sa magasin na The Benildean: Confined.