Cover Photo Ni Ben Allie Antonio
Cover Photo Ni Ben Allie Antonio.

Ur Tadhana: Pag-alpas sa karsel ng panghuhusga


Ang halaga ng bawat tao ay kailanman hindi masusukat sa kagustuhan ng lipunan; bagkus, sa kung papaano nila naising tanawin ang sarili.


By Stefani Tacugue | Wednesday, 30 June 2021

Binigyang diin ng web series na “Ur_Tadhana” ang mga makabuluhang tema para sa mga kabataan at kalalakihang bahagi ng komunidad ng LGTBQIA+. Mula sa pananaw ng isang teenager at makeup vlogger na si Yosef, ipinamalas ng serye ang tunay na kahalagahan ng kalayaan sa pagpapahayag, pagtuklas, at pagmamahal sa sarili, maging ang paghahanap ng lakas ng loob sa proseso nito. Sa pamamagitan ng nakakaaliw at nakakakilig na engkwentro ng mga bida, pinukaw nito ang puso ng libo-libong manonood.

 

Ayon sa manunulat ng serye na si Fifth Solomon, ang paglikha sa web series ay nagmula sa paglapit sa kanya ng Blued, isang tanyag na gay social app upang gumawa ng content para sa Pilipinas. Gayunpaman, ang takbo ng istorya ay mula sa kanyang obserbasyon sa lipunan kung saan malaki ang kakulangan sa kaalaman ng mga tao ukol sa komunidad ng LGBTQIA+. Kaya naman, kasama ang direktor at manunulat na sina Jedd Rommel at Evan Tan, hangarin ng seryeng ilarawan ang diskriminasyon ng lipunan laban sa komunidad, pati na rin ang pagpapabatid ng mensahe sa manonood na maari silang maging sinumang nais nilang maging.

 

Si Yosef/Yosefina Fierce (Brigs Aricheta) ay isang matapang at kapansin-pansing makeup vlogger. Sa kanyang palagay, ang kulang na lamang sa kanyang buhay ay ang pag-ibig. Habang kausap ang kanyang manunuod, dismayado niyang sinabing siya ang natatanging “out gay boy” sa paaralan nilang lahat ay estudyante ay lalaki. Gayunman, ang pagkadismaya ay napalitan ng pag-asa nang dumating ang bagong estudyanteng si Justin (Opi Eusebio) sa kanilang paaralan at naging kasama niya para sa klase ng pag-arte.

 

Diskriminasyon sa labas at loob ng komunidad ng LGBTQIA+

Hindi na bago ang pangungutya at panlalait kay Yosef ng kanyang kaklaseng si Rex (Marcus Asis) dahil lamang sa kanyang pagiging effeminate o pagpapakita ng katangiang itinuturing na tipikal sa isang babae. Dahil dito, si Yosef ay naging katatawanan at nilalayuan ng mga kaklase dahil sa mga sinasabi ni Rex sa kanila ukol sa kanyang sekswal na oryentasyon.

 

Sa lipunan, mapapansing marami ang kinamumuhian ang mga effeminate, maging sa loob at labas man ng komunidad. Marahil, ito ay bunsod ng tradisyunal na paniniwala ng mga tao sa tungkulin ng mga kasarian na ang mga gawain ay eksklusibo; na magiging kahiya-hiya sa isang tao kung hindi nito sinusunod ang mga bagay na nakatalaga para sa kanyang kasarian. Ito rin ay kalimitang nagiging batayan ng lipunan sa pagpapahalaga sa mga tao. 

 

Sa kasamaang palad, kahit sa loob mismo ng komunidad ay umiiral pa rin ang homophobia dahil sa diskriminasyon at isa na rito ay ang effem shaming na nararanasan din ni Yosef bilang isang effeminate gay. Kahit magkaroon ang mga tao ng komunidad ng LGTBQIA+ ng representasyon sa madla, patuloy pa rin ang diskriminasyon dahil sa laganap na mentalidad na kung saan kasalanan ang maging isang tao na hindi natutukoy bilang isang babae o lalaki.

 

Ang isyung ito ay hindi masyadong naipapakita at nabibigyang pansin dahil nakatuon ang mga mata ng tao sa karaniwang paksang kaugnay nito. Maituturing na isang malaking pagbabago ang ipinakita ng serye sa publiko dahil inilarawan at tinalakay nito ang mga karanasan ng isang effem sa lipunang Pilipino. 

 

Katatagan dulot ng pananalig sa sarili

Para kay Yosef, walang mali sa kaniyang pagkakakilanlan dahil ang kasiyahang dulot nito’y hindi naman nangyuyurak sa iba. Ito ang dahilan kung bakit nanatili siyang masiyahin at mabuting tao sa kabila ng ipinararanas sa kanya ng mga matang mapanghusga. Hindi na bale ang palagay ng mga tao sa kanya, basta’t nagagawa niya pa rin ang mga bagay na kanyang nais gawin at hindi makukulong sa mantsang banta ng lipunan sa kanyang pagkatao.

 

Dahil sa kaniyang hindi matinag na paniniwala sa sarili at pagpapakatotoo, nakilala niya ang mga taong tunay siyang tanggap. Dito pa lamang ay maaari na nating hangaring maging tulad ng pangunahing tauhan na patuloy lumalaban dahil alam nito ang kanyang halaga at pagtratong nararapat sa kanya: na tulad ng lahat, para rin sa kaniya ang pag-ibig na mapagpalaya at totoo.

 

Hanggang ngayon, malaking pagsubok pa rin ang pagwawaksi ng homophobia sa lipunan sapagkat hindi lamang nagmumula sa labas ng komunidad ang diskriminasyon. Gayunpaman, mapagtatagumpayan lamang ang pagwawaksi nito kung sisikapin nating umunawa at matuto. Kung ito naman ay walang tigil nating gagawin, tuloy-tuloy itong mangyayari hanggang sa puntong kaya na ng lipunang mangapit sa karapatan ng bawat bahagi ng LGBTQIA+. 

 

Bagama’t may pagsulong mang namamataan ukol sa pagkilala natin sa komunidad ng LGBTQIA+, hindi pa rin ito sapat upang masabing ligtas sila sa mga pinsalang maaring dalhin sa kanila ng lipunan. Kailangan pa rin natin silang unawain at samahan sa kanilang pakikibaka hanggang sa lahat ng tao ay kaya na silang tanawin bilang kapantay. Nararapat lamang na patuloy nating palakasin ang kanilang karapatan, respetuhin, at pakinggan natin ang kanilang hinaing, hindi lamang ngayong buwan, kundi magpakailanman.

 

Ang seryeng “Ur_Tadhana” ay mapapanood sa video sharing platform na YouTube.

 

 

 

Last updated: Wednesday, 30 June 2021