Sa kabila ng pag-usbong ng teknolohiya at unti-unting pagkaligta sa tradisyonal na pamamaraan ng pagsulat, makikita pa rin ang baybayin sa iba’t ibang lugar—maging sa mga disenyo ng kasuotan, kagamitan, at mga karatula. Hindi rin maipagkakaila ang pag-alis ng kultural na konteksto ng baybayin, at sa halip ay ginagamit bilang isang “aesthetic artifact.” Dahil sa mga pangyayaring ito, naging popular muli ang baybayin sa mga Pilipino. Kaya naman, nagsimula ang panawagan na ito ay ibalik, dagdag na rin sa kadahilanang ito ay paggunita sa mga ninuno at sinaunang kultura ng Pilipinas.
Noong Abril 23, 2018, naaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture ang National Writing System Act o House Bill 1022, isang panukalang batas na inihain ni Rep. Leopoldo Bataoil ng Pangasinan. Ang hakbanging ito naman ay umani ng suporta mula sa Department of Education (DepEd), National Commission for Culture and Arts (NCCA), at Baybayin Buhayin Movement. Nilalayon ng panukalang batas na gamitin ang baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat ng bansa.
Ayon sa mga taong nananawagan sa muling paglangkap ng baybayin sa pang araw-araw na pamumuhay, mainam ito dahil ito ang magbibigay-daan upang paigtingin ang pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Ito rin ay magsisilbing tanda ng muling pagkabuhay ng kultura’t kasarinlan ng bansa at gigising sa damdaming makabayan.
Sa kabila ng iba’t ibang rasong nagtutulak sa mga Pilipino upang manawagan sa pagbabalik ng baybayin, nararapat nga bang ituloy ito?
Lagay ng wika sa bansa
Paano nga ba mapagtatagumpayan ang pagbuhay sa baybayin kung maging ang pangunahing wika ng bansa ay hindi nabibigyang sapat na pansin?
Ayon kay Dr. Lakangiting Garcia, isang associate professor ng Pamantasang De La Salle, kapuna-puna ang pagbaba ng mga gumagamit ng wikang Filipino sa mga pribadong paaralan ng Maynila. “Lalo na sa mga kabataan, mabilis na bumababa ang kanilang husay sa sariling wika. At alam mo, ang nakakalungkot, ay hindi nila ito napapansin,” dagdag pa nito sa isang panayam.
Sa halip, dapat muna itong ituro nang maigi sa mga paaralan bago ito magamit bilang isang pambansang sistema ng pagsulat; at ang kailangan natin ngayon ay upang higit na mapag-aral ang mga bata tungkol sa wikang Filipino. Masyado nang huli ang pagtatalaga ng baybayin bilang pambansang panulat, sa mga taong lumipas simula nang ito’y unang gamitin, hindi na ito makasasabay sa pag-iral ng modernisasyon, gayundi’y kasabay pa nito ang mga isyu hinggil sa edukasyon na nararapat ding bigyang pansin.
Kung ipagpapatuloy ang pagpapalaganap sa paggamit ng baybayin, nararapat din nating itaguyod ang babasahín ng mga Bikolano, Badlit ng Bisaya, Kurdita ng Ilokano, Kulitan ng mga Kapampangan, Hanunuo at Buhid iskrip ng mga Mangyan, Tagbanua iskrip ng Tagbanua, at Jawi ng mga Tausug—dahil ang mga ito rin ay katutubong sistema ng pagsulat ng Pilipinas.
Bago dumating ang mga dayuhan, ang baybayin ay ginamit lamang ng ilang naninirahan sa Luzon at Visayas. Kaya naman, hindi magiging makatwiran kung sa kabila nito ay gagamitin pa rin natin ang baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat sa bansa.
Komplikasyong kalakip ng pagbabalik sa baybayin
Maganda man ang mithiin sa likod ng panawagang ibalik ang baybayin, hindi pa rin maipagkakaila ang komplikasyong hatid nito sa oras na ito’y tuluyang maisabatas.
Inaasahang magbubunga ito ng lohistikong hamon na mangangailangan ng pagpopondo. Ang mga ahensya ng gobyerno ay kailangang muling maglimbag, magdisenyo, at bumuo ng mga pangkomunikasyong materyales mula sa mga istruktura ng arkitektura hanggang sa mga kagamitang pang-opisina.
Bukod pa rito, sa baybayin, hindi makikita ang pinagkaiba ng mga patinig na o/u at a/e, wala rin representasyon ang letrang “r,” na isang mahalagang letra sa modernong alpabetong Filipino. Bagama’t wala rin ang mga letrang C, F, Q, V, at Z, madali naman itong napapalitan ng “pa,” “ka,” “ba,” at “sa” sa baybayin. Dito pa lamang ay maaninag na ang komplikasyong maari nitong idulot sa pakikipagtalastasan.
May isang website na tinatawag na “Ating Baybayin” kung saan ang mga gumagamit ay maaring magsalin ng mga salita upang maisulat sa baybayin. Mabilis lamang ang proseso nito, subalit ito ang patunay na may pagkakamali sa pagsasalin ng baybayin sa mga salita. May mga salita tulad ng “silid-aralan” at “internet” na magiging “se le a da la” at “e te ne” na lamang.
Ang katotohanan na ang mga salitang Filipino ay nakikilala sa labas ng bansa ay nagpapahiwatig na ang ating alpabetong Filipino at wika ay dinamiko, mahusay, at madaling gamitin. Sa paglipas ng panahon, napatunayan nating kayang tumayo ng wikang Filipino sa pagsubok ng oras at globalisasyon.
Sa kabila ng isyung kaugnay ng paksang ito, mahalaga ring tandaan nating hindi lamang ang baybayin ang magsasalamin ng ating nasyonalidad. Marami pang aspeto ng wika ang nararapat nating pagtuunan ng pansin at palakasin.
Bilang mga Pilipino, kinakailangan nating unawain na ang tunay na pa pagkamakabayan ay hindi lamang nababatay sa pagpapahalaga ng kultura, kundi sa pagkilala sa epekto na inihandog nito sa kasalukuyan.