Kilala sa mga pelikulang Nuuk (2019) na kinunan sa Greenland, at Through Night and Day (2018) na isinagawa sa Iceland, isinama naman ngayon ng direktor na si Veronica Velasco ang kaniyang mga manonood sa kapuluan ng Faroe Islands sa Denmark. Ang mga tanawin sa rehiyon ng Arktiko ay tunay ngang nakamamangha at nakakalula, subalit ang kwento ng mamamahayag na si Nico Mendoza (Paolo Contis) at ang overseas Filipino worker (OFW) na si Mahjoy Garðalið (Yen Santos) ay dagdag lamang sa mahabang listahan ng mga pelikulang madaling hulaan ang pagtatapos.
Bilang isang mamamahayag mula sa Pilipinas, si Nico ay naatasang gumawa ng dokumentaryo ukol sa mga matatagumpay na Pilipino sa Arctic Circle. Aniya, may mga nakapanayam na siyang mga Pilipino mula Greenland at Iceland. Nang mapadpad sa Faroe Islands, Denmark, nakilala niya si Mahjoy, may-ari ng isang food truck, catering business, at kainan sa isla, na nagluluto ng Asian cuisines. Higit anim na taon nang naninirahan sa isla, nakapag-asawa siya ng isang Faroese, ika-82 sa higit 300 na Pilipinang nakatagpo ng “forever love” sa isla. Ipinamalas sa pelikula ang natatanging tanawin ng Faroe, subalit kaakibat ng ganda ng tanawin ay ang ipinagbabawal na relasyong kanilang nabuo at ang mga multong bumabagabag kay Mahjoy mula sa sa kaniyang nakaraan.
Pagtatama sa mga kamalian
Bunga ng isang sirang kasalan, itinaga ni Mahjoy sa kaniyang puso’t isip na hinding-hindi niya iiwan ang kaniyang anak, si Lena, at asawang si Sigmund, upang sumama sa ibang lalaki. Bunga ito ng kinalakihan niyang kabataan nang nasaksihan niya ang kaniyang inang sumama sa ibang lalaki. Dahil dito, kapos sa pag-ibig ng magulang si Mahjoy, subalit siya naman ay kinupkop at pinalaki ng kaniyang lola.
Gayunman, naging mahirap pigilan ang umuusbong na romansa sa dalawa; ang pangunahing tema ng pelikula. Napag-alaman ni Nico ang mga puwang sa puso ni Mahjoy nang nilisan niya ang Pilipinas. Ilan dito ay ang kaniyang lola, ang mga parol tuwing Pasko, at ube halaya. Nang matagumpay na naihatid ni Nico ang mga ito kay Mahjoy, tila wala nang makapipigil sa kanilang namumuong pagmamahalan.
Umpisa pa lang ay mahuhulaan na ng manonood ang magiging kuwento ng romansa sa gitna nina Nico at Mahjoy. Mula sa kanilang unang pagtatagpo sa paliparan hanggang sa kanilang pagtatalik, ang pag-iibigang nabuo ng dalawa ay lubos na ipinagbabawal; hindi lamang sa mata ng batas at Diyos, kundi pati rin sa pangako ni Mahjoy sa sarili na hindi niya hahayaang lumaki ang anak na hiwalay ang magulang at hindi nakararanas ng pagmamahal ng ina.
Pilit mang itinatama ni Mahjoy ang pagkakamali rin ng kaniyang ina, tila siya rin mismo ang sumira ng pamilyang kaniyang iniingatan. Ang mga ganitong kuwento ay maraming beses nang nasaksihan ng mga Pilipino sa telebisyon: istorya ng pangangaliwa at problema sa pamilya. Kinapos man sa makabagong mga ideya ang pelikula, hindi pa rin maikakaila ang reyalidad na ipinamalas dito.
Mukha ng mga mamamahayag
Hindi mailap para sa lahat ang makabasa ng mga balitang tungkol sa mga mamamahayag. Isa na lamang si Maria Ressa sa mga kilalang peryodista sa bansa na naging sentro ng mga kontrobersiya nitong nagdaang mga taon. Ginampanan ni Contis sa pelikula ang isang broadcast journalist na si Nico. Nagkaroon din ng eksena ang dalawang bidang pag-usapan ang karera ng mga mamamahayag sa Pilipinas.
Ani Contis sa pelikula, “I like meeting people at gusto ko magkuwento.” Nabanggit din niya ang pagnanais na ikuwento ang economic recovery plan ng Pilipinas kung matatapos ang pandemya, ano ang epekto ng “drug war,” at higit sa lahat, bakit maraming mamamahayag ang pinapatay.
Piksyonal na repleksyon si Nico ng mga makatotohanang karanasan ng mga mamamahayag, hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati sa buong mundo. Bilang mata, tainga, at kamay ng lipunan, matinik na daan ang binabaybay nila, makapagkuwento lamang ng mga mahahalagang istorya para sa bayan.
May mga eksena mang itinapat sa maling ilaw ang mga Pilipinang naninirahan at nakapag-asawa ng lokal sa Faroe Islands at naging madali mang hulaan ang katuturan ng pelikula, hindi maikakaila ang mga katotohanang ipininta nito, mabuti man o hindi. Ang mga sakripisyo at paghihirap na inaalay ng mga OFW, pati na rin ng mga mamamahayag, para sa kanilang mga sinumpaang gampanin sa lipunan ay tunay ngang hindi matatawaran.
Naging cliché man ang A Faraway Land, ipinapaalala nito sa bawat isa ang kahalagahan ng paninindigan at pamilya.