Cover Photo By Danni Lim
Cover Photo By Danni Lim.

Tinta ng Pagkilala


Kung ang bakas ng katapangan ay pangahas na inani mula sa huwad na permiso, parusa’t hindi dangal ang dapat na matamo.


By EA Rosana | Saturday, 11 September 2021

 

Matapos ang ilang siglo ng pagkalimot ng ibang lahi sa Pilipinas bilang bansang hitik sa yaman ng kultura, unti-unti na nating nakamit ang inaasam na pagkilala. Madaling ipagmalaki ang tradisyong nakaugat sa ating lahi, ngunit sapat na bang kabayaran ang papuri kapalit ng sining na pinapatay ng salapi?

 

Sa isang sining na inukit ng napakaraming siglo, itinuturing na tatak ng katapangan ang batók, o mga tatô ng sinaunang mandirigma ng Tribong Butbut mula sa Cordillera. Sikapin mang buhayin ang kumukupas na tradisyon sa kasalukuyang panahon, hindi maikakaila na ang bawat pitik ng tinik at tinta sa balat ay tila kulang ang kahulugan, kung hindi rin lang sumabak sa labanan ang pamamanahan nito.

 

Nang sumiklab ang kontrobersiya sa international vlogger na si Nuseir Yassin, o mas kilala bilang Nas Daily, ukol sa pagtatampok niya kay Apo Whang-Od sa isang programang tinawag niyang Whang-Od Academy, isiniwalat ng isyu ang nakababahalang pagkahumaling ng Pilipino sa pandaigdigang pagkilala, lalong higit ang pamamayani ng pang-aabuso sa ating kultura.

 

Naitatak sa isipan, dayuhan ang tanging daan

Isa lamang ang pambabatok ni Apo Whang Od sa ‘di mabilang tradisyong ipinagmamalaki ng Pilipinas. Bunsod ng nanganganib na pagkamatay ng ating katutubong sining, binuksan ang pambabatok sa lokal at pandaigdigang turismo; kung saan hindi kataka-takang daglian itong niyakap at tinangkilik lalong higit ng mga dayuhan.

 

Nang buksan ni Nas Daily ang kaniyang masterclass na umano’y ituturo ang sining ng pambabatok sa Pilipinas, binasag ng kontrobersiya mula sa isang Facebook post ng apo sa pamangkin ni Whang-Od na si Gracia Palicas ang naturang kurso matapos isiwalat na walang permiso o anomang pinirmahang kontrata ang kaniyang lola upang ibahagi ang lahat ng ritwal, gamit, at paraan sa tradisyonal na pagtatatô; taliwas sa ipinangako ng online program ng NasAcademy

 

Kung tutuusin, nakalulungkot na noon pa ma’y nabawasan ang pagiging awtentiko ng pambabatok magmula noong binuksan ito sa publiko, ngunit ang pangahas na pagnanakaw ng sagradong tradisyon kapalit ng salapi ay hindi tutumbas sa pagkilalang inaasam sana ng mga Pilipino para sa ating kultura. Nakagugulat na ang ilan sa mga mamamayan ay nagawa pang pangatwiranan ang usaping ito, na tuwirang sumasalamin sa ating pag-iisip at pagkakakilanlan na noon pa ma’y tinatakan na ng pang-aabuso at pinagkaitan ng pagkilala.

 

Patunay lamang ito ng kolonyal na kaisipan ng mga Pilipino kung saan binibigyang pansin natin mahahalagang aspeto ng ating kultura kung ito lamang ay kinikilala ng iba.

 

Nakaukit sa batas ang katarungan ng bukas

Nilabag ni Nas Daily at ng kaniyang grupo ang Republic Act No. 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) kung saan pinoprotektahan dito ang mga katutubong Pilipino at lahat ng kanilang kaalaman at ari-arian. Kalakip din ng batas ang pangangailangan ng Free and Prior Informed Consent (FPIC) sa anumang kasunduan sa paggamit ng ari-ariang ito, na magmumula sa pangkalahatang tribong naninirahan sa komunidad o ancestral domain, kabilang ang lahat ng miyembro ng Butbut Tribe bilang saksi, hindi lamang si Apo Whang-Od.

 

Sa opisyal na press release na inilabas ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)-Cordillera noong Agosto 30, opisyal na inihayag na walang pahintulot o pagsang-ayon si Apo Whang-Od na magturo ng pambabatok sa NasAcademy, at binansagang “grossly erroneous” o pabigat sa kaniya ang kontrata kung saan eksklusibo kay Nas Daily ang lahat ng karapatan sa nilalaman. Sa pahayag ng kinatawan niyang na si Stella Palangdao, hindi idinetalye sa kanila ang probisyon ng kontrata, at maging ang umano’y thumb mark ni Apo Whang Od na kalakip ng kasunduan ay kaduda-duda.

 

Kasalukuyang itinigil ni Nas Daily ang operasyon ng Whang-Od Academy base sa official statement sa kanilang website at Facebook post, at nangako silang makipag-ugnayan sa NCIP upang sundin ang lahat ng prosesong kinakailangan sa pagpapasinaya ng programa. Pinagtibay naman ng NCIP ang pagpapatupad ng naturang batas at pagkilala sa pagiging sagrado ng sining ni Whang-Od bilang culture bearer ng bansa.

 

Wala sa kamay ng sinumang dayuhan ang kapangyarihan ng katutubong Pilipino na iangat ang ating dangal at pagkilalang tatatak sa isip ng lahat ng humahanga sa ating kultura. Mapalad ang kasalukuyang henerasyon na masaksihan ang pambabatok at matamo ang karangalan kahit hindi sila mandirigma—ngunit kaakibat nito ang tapang na ipagtanggol ang sining na hindi man mabura sa balat ay nanganganib na mawaglit sa kolonisadong isipan.

 

Kailanma’y hindi dapat itinitinda ang kulturang walang katumbas. Hustisya, suporta, at tunay na pagkilala ang nararapat sa mga buhay na alamat ng Pilipinas.

 

Pakatandaan nating tayo ang mag-uukit at magtatatak ng kapalaran ng ating kulturang minana. Ang tinik at tinta ay mga simbolo na ang pasakit at pagtitiis ay may iniiwang kabayanihan. Gayuman, kung ang pagdurusa ay dulot ng pananamantala na may iniiwang marka, hindi dapat sa ganitong paraan natin ito ipagmalaki.

 

Ang tinta ng pagkilala, gaya ng tatông inuukit ni Apo Whang-Od, ay para lamang sa nararapat umani nito.

Last updated: Saturday, 11 September 2021