Ani ng mga nakatatanda, mabibigyang katuparan ang anumang kahilingan kung madadaluhan at makukumpleto ang siyam na araw ng Simbang Gabi. Gayunman, sa ilang siglong paggunita ng makasaysayang tradisyon, tila iisa ang hiling ng mga Pilipino ngayong taon—ang makapiling muli sa seremonya ang pamilya, kaibigan, at kakilala sa tuluyang paghilom ng bansa mula sa pandemya.
Karaniwang pagsapit ng alas kwatro ng umaga tuwing ika-16 ng Disyembre, siyam na araw bago ang bisperas ng Pasko, sinisimulan ng simbahang Katoliko ang nobena sa karangalan ng Panginoong Hesukristo na isinilang sa belen.
Mula sa kapana-panabik na bibingka’t puto bumbong hanggang sa nagliliwanag na gayak ng simbahan, napakaraming dahilan kung bakit pinagsusumikapan ng mga Katolikong makumpleto ang Simbang Gabi, alang alang sa hiwaga ng katuparang inaasam.
Pagsubok sa pagdiriwang, noon pa man
Nang kapanayamin ng The Benildean si Rev. Fr. Romeo Sasi, isa sa mga assistant priests ng National Shrine of the Divine Mercy, isinalaysay niya ang kasaysayan ng simbang gabi sa Pilipinas, gayundin ang kahalagahan nito sa pagdiriwang ng Paskong Pilipino.
Aniya, dinala ng mga Espanyol mula sa kultura ng Mexico ang tradisyonal na misa sa loob ng siyam na araw bago ang Pasko, kung saan inilalaan ang oras bago ang trabaho at pagtatanim ng mga magsasaka upang magsimba. Sa paglipas ng panahon, ang nakasanayang misa tuwing alas kwatro o alas singko ng umaga ay isinasagawa na rin tuwing ikawalo o ikasiyam ng gabi upang mas marami ang makadalo sa Misa de Gallo.
Malaking bahagi ng kahalagahan ng Simbang Gabi ang pagkamulat sa kasaysayan ng kaligtasan, kung saan isinasalaysay rin ang paghahanap ng Birheng Maria at San Jose ng tahanan upang ipanganak ang sanggol na Hesus, na kilala sa tawag na Panuluyan.
“Doon sa tagpong iyon ay ipapakita ‘yung pagtatakwil sa pamilya no’ng gabing iyon. Ibig sabihin, nakararanas na rin ng mga pagsubok—rejections—ang ating Panginoong Hesukristo,” ani Fr. Sasi.
Tila sinasalamin ng Panuluyan ang kuwento ng nakararaming Pilipino sa gitna ng pandemya, tulad ng kakulangan ng mga pagamutan na matutuluyan upang isalba ang mga buhay na nasa bingit ng kamatayan. Bagaman kapwa sinusubok ang katatagan ng loob, nagsisilbing pag-asa ng nakararami ang nakaaantig na tagpong ito upang manalig at magpatuloy upang makamit ang kagalingan at kaligtasan ng buhay.
Tanaw ang talà ng pag-asa sa nalalapit na pagsasama
Ibinahagi rin ni Fr. Romy ang unti-unting pagbabalik ng normal ng operasyon ng simbahang Katoliko sa pagdiriwang ng Simbang Gabi, lalo’t bukas na sa 70% kapasidad ng mga dadalo ang mga simbahang nasa ilalim ng Alert Level 2. Sa pagbuti ng kalagayan ng bansa, inaasahan din ng sangkaparian na mas darami ang mga mananampalatayang magsisimba nang may ibayong pag-iingat at pagsunod sa patakarang pagkaligtasan ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF), tulad ng pagsusuot ng face mask, paggamit ng alcohol, at pagpapanatili ng social distancing sa mga banal na pagtitipon.
Dagdag ng pari, bakas sa ilang mga pamilya ang takot at pangamba na dumalo sa pisikal na misa kung kaya’t ilang grupo ng barkada na lamang ang madalas na nagsisimba. Bilang bahagi ng regulasyon ng simbahan, sinisigurong bakunado ang mga mananampalataya at ipinadadala ang kani-kanilang vaccination card o QR code ng personal na impormasyon upang panatilihin ang kaligtasan ng lahat.
Hindi man agarang maibalik ang ilan sa pinakatradisyonal na aspekto ng Simbang Gabi, tulad ng mga masiglang musiko, nag-uumapaw na donasyon, at kumpletong pamilya, mayroon pa ring iba’t ibang paraan upang magsimba sa kabila ng pandemya. Bukod sa online at televised mass, mayroon na ring misang idinaraos sa maliliit na kapilya na maaaring daluhan ng iilang katao. Makabibili pa rin ng matatamis na bibingka’t puto bumbong sa kalsada man o sa restawran, ay patuloy ang pagdaloy ng biyayang donasyon tulad ng bigas at iba pang ayudang makatutulong sa mga naghihikahos na pamilya.
“To give ourselves totally to the Lord, ‘yun ang pinakamahalaga,” pahayag ni Fr. Sasi tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng Simbang Gabi, may pandemya man o wala. Kaakibat ng tradisyong ito ang pagsisisi sa kasalanan, pagpapanumbalik ng pananampalataya, at pagpapasalamat para sa buhay na kaloob bilang regalong walang katumbas.
Nagliliwanag sa puso ng bawat Pilipino hindi lamang ang kagustuhang makamit ang kahilingan, kundi lalong higit ang kahalagahan ng pag-asa sa matibay na pananampalataya, magkakasama man tayo o hindi. Sa muling paglipas ng siyam na gabi, nawa’y baunin sa bawat inuusal na panalangin ang katatagan ng loob at kagustuhang magpatuloy sa buhay, upang maaninag ang nagniningning na bukas.
Gaya ng Birheng Maria at San Jose sa panuluyan, ang dinaranas na paghihirap ay daan sa pagsilang ng kaligtasan.