Cover Photo By Willem Dimas
Cover Photo By Willem Dimas.

Black Rainbow: Ang upos na kulay ng bahaghari


Ang mga katutubo ang pinakamayaman ngunit salat sa karapatan.


By RA de Lemos, and Chloe Mari Hufana | Thursday, 27 January 2022

Mula sa direksyon at panulat ni Zig Dulay, umusbong ang maikling pelikulang “Black Rainbow” na umiikot sa batang Aeta na si Itan at ang kaniyang pagpupursigi upang maabot ang pangarap. Nasungkit ng “Black Rainbow” ang Film Gold Award, isang prestihiyosong parangal mula sa 28th Annual International Cine Festival (FACINE28) sa San Francisco, California. Isa rin ito sa 12 na pelikulang tampok sa Sine Halaga Film Festival 2021. Ipinamalas ng maikling pelikula ang kahalagahan ng edukasyon, subalit isa sa mas malalim na paksang tinalakay nito ay ang inhustisya at pananamantala sa mga katutubong Aeta.

Sinundan ng “Black Rainbow” ang katutubong batang si Itan (Ron King). Dahil magkakaroon ng ikatlong anak ang pamilya, pansamantala siyang pinatigil ng mga magulang sa pag-aaral upang mas pagtuunan ng pansin ang paparating na sanggol. Makikita sa pelikula ang kaniyang determinasyon upang mapapayag ang amang si Norman na pabalikin siya sa pag-aaral. Pinunan ni Norman King ang karakter, ang kauna-unahang Aytang nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas. Kasama ang kapatid na si Hyacinth o Aya (Shella Mae Romualdo), nakita ang mumunti ngunit makulay na pangarap ng mga katutubo—para kay Itan, maging isang abogado; at kay Haya, ang maging isang diyosa.

Sa gitna ng paghihirap ni Itan, nabigyan siya ng pagkakataong ipagpatuloy ang paghahabol sa kaniyang pangarap sa pamamagitan ng isang scholarship na binanggit ng kaniyang gurong si Ma’am Tess. Gayunman, kalakip ng scholarship ay ang kasanayan sa paggamit ng kompyuter, kasama na ang pagtipa gamit ang keyboard. Sa kaniyang pag-aaral sa paggamit ng makabagong teknolohiya, nasaksihan ng mga manonood ang isa pang aspekto ng pelikula: ang paglaban ng mga Aeta sa pagmimina sa kanilang bundok.

 

Hinagpis na dulot ng reyalidad

Kalinlang-linlang man ang alindog na dala ng sinematograpiya ng mga tanawin sa pelikula, mayroong mas malalim na implikasyon na ipinararating ang mga manggagawa ng pelikula. 

Isa sa aspekto ng magandang pelikula ang mensaheng ibinabahagi nito sa mga manonood. Ang dumadagundong na tawag upang alagaan ang kapaligiran laban sa ilegal na pagmimina at ang labis-kulang na oportunidad ng pag-aaral para sa mga katutubo ang dalawa sa mga problema ng mga tauhan. Bahagi ng talumpati ni Itan ang hiling na sana’y maging totoo ang pangarap ni Aya na maging diyosa, “para may maging bantay tayo sa kabundukan” dahil “bundok lang ang mayroon tayo.”

Ang ilegal na pagmimina ay matagal nang iniinda ng mga katutubong nakatira sa mga kabundukan. Isa ang Mt. Apo sa inaalagaang bundok sa Pilipinas dahil sa lawak, kayamanan, at mga katutubong naninirahan dito. Subalit noong 2020, natagpuan ang may lalim na 16 feet na minahan sa protektadong lugar ng bundok. Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu, malaki man o maliit na antas, ang ilegal na pagmimina ay dapat itigil. 

Halos 85% ng mga key biodiversity areas ay matatagpuan sa lupain ng mga katutubo, kasama ang mga Aytang kinabibilangan nila Itan. Mayroon mang mga panuntunang sinusunod ang mga nais magmina sa mga bundok, tila hindi pa rin nawawala ang mga taong walang respeto sa inang kalikasan.

Bukod pa rito, kinakaharap din na pagsubok ng mga katutubo ang kakulangan ng mga oportunidad sa edukasyon. Kagaya ni Itan, maraming katutubong Pilipino ang napagkakaitan ng pagkakataong mag-aral dahil sa kakulangan ng eskwelahan at mas pinipiling magtrabaho upang tustusan ang kanilang pamumuhay.

Sinasalamin ng pelikula ang matagal nang suliranin ng mga katutubo sa bansa. Ang mga Lumad ay isa sa mga katutubong pinagkakaitan ng pagkakataong matuto dahil sa patuloy na pagpapasara sa kanilang mga paaralan. Ayon sa Save Our Schools (SOS) Network, higit 178 na eskuwelahan na ang naipasara simula noong 2020. Nakapagtala rin ito ng mga ilegal na pag-aresto sa mga estudyante at pagbobomba.

Binigyang pokus ng pelikula ang ilan sa mga kinakaharap na pagsubok ng mga katutubong Pilipino. Mahusay ang pagsasaayos ng kuwento sapagkat sa pananaw ni Itan nakatapat ang lente. Ang mabibigat na tema ay tila gumaan dahil sa maingat na paghabi ng mga dayalogo at pagkukuwento ni Itan.

Pinagtambal na bago’t makaluma

Hindi tumataliwas ang pelikula sa istorya ng mga Aeta; mula sa pagdasal sa kanilang sinasambang diyos hanggang sa mga paghihirap ng tribu sa kanilang ipinaglalaban na lupa. Naipakita sa pelikula ang relasyon ng mga karakter sa kanilang pinagsasambahang si Apo Namalyari, ang diyos na tinawag nila Itan at Haya upang matulungan sila. Sa paniniwala ng mga Aeta, si Apo Namalyari ang kinikilalang taga-protekta ng Bulkang Pinatubo. Noong marahas na pagsabog nito noong 1991, pinaniniwalaang ipinamalas ng diyos ang kaniyang galit sa mga ilegal na mantotroso.

Sa pag-awit nila Itan at Haya sa tuktok ng kabundukan upang tawagin si Apo Namalyari at matulungan silang gumamit ng teknolohiya, naipapakita ang isang kakaibang pagtingin tungo sa aspeto ng teknolohiya at tradisyon ang naialay ni Dulay. Mapayapang balanse ng dalawang paksang ito ang nangingibabaw sa pelikula.

Ang Pilipinas ay mayaman sa kultura dala ng mga katutubong tribo at grupo na umiiral sa iba’t ibang sulok nito. Ang kagandahan at mahalagang aspekto ng mga pelikulang tulad ng “Black Rainbow” ay ang kakayahan nitong magbigay ng makatotohanang paglalarawan gamit ng mga tunay na katutubong aktor. Dala ng mahusay na panulat at konsepto ng maikling pelikulang ito ay nakapagbukas-mata sa mga umusbong na suliranin na sumasagabal sa buhay ng mga Ayta sa mundong puno ng pagbabago.

Sa huli, mahusay na ipinahiwatig ng mga manggagawa ng pelikula ang mensaheng mayroong sektor ng lipunang Pilipinong tila hindi nabibigyang-pansin. Ang pelikula ay nagsilbing tawag ng mga katutubo upang makiisa sa kanilang pakikibaka laban sa mga inhustisyang kanilang kinahaharap.

Maaaring mapanood ang “Black Rainbow” dito.