Mga karakter:
- Annie Gonzaga - isang waitress sa sikat na hotel sa La Union. 49 taong gulang at payat ang pangangatawan. Katamtaman ang haba ng buhok at mahahalata sa mukha ang istres na dulot ng pagiging breadwinner sa pamilya sa pamamagitan ng wrinkles, fine lines, eyebags, etc.
- Nanay Marie - ina ni Annie na 77 taong gulang. Mahina, payat, may mga puting buhok, at nakasuot ng salamin.
- Yve Fernandez - 26 taong gulang artista. Mestiza, mahaba ang buhok, maganda ang pangangatawan. Lahat ng magagandang pisikal na katangian ay na kay Yve.
- Natan Fernandez - 27 taong gulang artista. Asawa ni Yve. Kagaya niya, mestizo si Natan at maganda ang pangangatawan.
- Lylia Fernandez - 3 taong gulang na anak nila Yve at Natan.
Kasabay ng tilaok ng manok tuwing alas-sais ng umaga ay ang pagbangon ni Annie upang kumayod. Ang tagapagtaguyod ng mga Gonzaga ay masigasig at matiyaga; araw-araw na nakikisalamuha sa iba’t-ibang tao sa hotel na pinagtatrabuhan sa La Union.
Pagdating ni Annie sa hotel, agad siyang nilapitan ng kaibigang si Meryl. Medyo buhaghag ang buhok gawa ng pagsakay ng tricycle at halata ang pagod sa mga mata. Kung tutuusin, iilan lang naman ang bisita sa hotel ngayong panahon ng pandemya.
“Girl!” Masigla nitong bati kay Annie. Hindi pa nito naibababa ang dalang bag, kinukuyog na siya ng kaibigan.
“Oh, ano chismis mo?” Tugon ni Annie.
“Hulaan mo sinong artista ang bibisita rito sa susunod na linggo!” Ngiting-ngiting tanong ni Meryl. Bakas sa mata ang kasabikan.
“Naku, ‘wag mong sabihing ang mga Fernandez ‘yan ha!” Nagbibirong tanong ni Annie. Kung hindi ba naman kilala ng sambayanang Pilipino ang mga Fernandez, saang lupalop ka nakatira? Isip niya.
Higit anim na milyon ang sumusubaybay sa kanila sa social media, paborito ng bawat Pilipino ang nakakakilig na mga litrato nila Yve at Natan, kasama ang kanilang prinsesang si Lylia.
Bukod pa rito, kilala ang pamilya dahil sa kanilang lubos na pagtulong sa mga nangangailangan. Ngayong may kinakaharap na pandemya, namigay sila ng mga tablet sa mga estudyanteng nangangailangan. Higit dalawang libong estudyante na ang kanilang natulungan.
“Tama ka! Sila nga! Tatlo sila, kasama ang mga kaibigan nilang nakatira rin dito!” Malaki ang ngiti sa mukha ni Meryl at awtomatikong nahawa rito si Annie. Ang swerte, swerte ko! Isip niya.
Tinipon ng ulo ng hotel ang mga tauhan bago dumating ang VVIP na mga bisita. Pinaalalahanan na huwag bubulabugin ang pamilya para magpalitrato o humingi ng autographs.
Ilang oras matapos ang pagpupulong, namataan ang kulay puting Land Cruiser, senyales na mayroon na ang kanilang VVIP na bisita.
Agad-agad na nagsi-tipon ang mga staff at pumila sa isang linya, handang batiin ang pamilya. Unang bumaba sa sasakyan si Natan na nakasuot ng kaniyang khaki shorts at puting polo. Nagbigay siya ng masiglang ngiti at bumati ng magandang umaga. Binuksan niya ang pinto sa likod at inilabas ang maliit na si Lylia. Sa kabilang pinto ay tila may anghel na bumisita sa lupa, sa katauhan ni Yve. Sumilay ang tipid na ngiti sa kaniyang labing kulay rosas. Kasama nila ang isang katulong na nakasuot ng puting uniporme, dala-dala ang mga designer bags ng pamilya. Mapapansing hindi kumportable ang katulong sa bigat ng mga bag na dala, halos mahulog ang bag na may printeng Louis Vuitton.
“That’s expensive, ha. Don’t drop it.” Pabulong ngunit narinig ng karamihan ang banta ni Yve sa aligagang katulong.
“Good morning!” Sabay-sabay na bati ng staff, subalit tila umalingawngaw ang boses ni Annie.
Bumulong naman si Meryl sa katabing si Annie habang inaayos ang mga bag na dala ng tatlo.
“Grabe! Sobrang starstruck ako!” Nakangiti niyang sabi habang may bitbit na bag.
“Ako rin! Grabe, pwede na ata akong mamatay sa tuwa.” Natatawang sambit ni Annie.
Suot ang puting bestida, tunay na tumingkad lalo ang kagandahan ni Yve. Panay ang kuha niya ng litrato sa kaniyang sarili, sa dagat, at maging sa munti niyang pamilya. Kani-kanina’y nasilayan niya ang pamilyang masayang lumalangoy sa swimming pool, subalit mailap ang ama at kung makikiisa ma’y naka-upo lamang sa upuan habang suot ang sunglasses. Matapos iyon ay napagpasyahan ng pamilyang kumain ng tanghalian. Simula nang kanilang pagka-upo sa restawran, humingi ng paumanhin ang haligi ng tahanan at nagpunta sa banyo.
Naatasan sila Annie at Meryl upang maghain ng pananghalian ng pamilya. Dahil sa starstruck, hindi makapagpigil si Annie at bigla na lamang tinanong ang iniidolo.
“Ah, ma’am Yve…” Medyo nag-aalangan niyang tawag. Sinulyapan naman siya nito, hubad ang face mask, at litaw na litaw ang kagandahan. “Kasi po, sobra ko po kayong idol...ayos lang po ba magpa-selfie sa inyo matapos niyo po kumain?” Ani niya habang hawak ang tray ng pagkain malapit sa dibdib.
Napansin ni Annie na hindi nakikinig ang idolo, abala sa pagkuha ng mga litrato ng dagat, pagkain, at restawran. “Ayos lang po ba?” Tanong ulit ni Annie. Umubo nang bahagya si Yve bago tumango nang hindi binabaling ang tingin sa fan.
“Maraming salamat po!” Masayang sambit ni Annie.
Ang dapat apat na araw na bakasyon ng mga Fernandez ay biglang naputol nang agaran silang umuwi noong ikatlong araw. Nanghihinayang si Annie dahil hindi niya nakita ang pag-alis ng mga iniidolo sa hotel. Ani Meryl ay nagmamadali raw na umalis ang pamilya, halatang mayroong problemang nangyari.
Subalit hindi lubusang nalungkot si Annie. Inaalala niya ang mga pagkakataong nasilayan niya ang pamilya at nakakuha siya ng autograph para sa nanay.
“‘Naaaaay!” Tawag ni Annie mula sa pintuan ng bahay. “May regalo ako sa’yo!” Masigla nitong bati sa ina–halata sa kaniyang puting buhok at kunot na mukha ang pinagdaanang mga taon.
“Ano naman ‘yang regalong sinasabi mo, ‘nak?” Tanong niya nang galing sa kusina. Sumilay ang ngiti ni Annie.
Inalalayan niya ang ina sa hapag-kainan at pina-upo. Sabay inilabas ang dalang papel na may pirma nina Natan at Yve Fernandez. “Ito ang mga idolo mo, ‘di ba?” Tanong ng nanay habang pinagmamasdan ang hawak na papel. Masigla namang tumango si Annie, subalit bakas sa ina ang pagiging matamlay at tila nahihirapang habulin ang hininga.
“Grabe, ‘nay! Ang dami nilang ibinigay sa’kin–pag-asa, kasiyahan, litrato, at ‘yang pirma para sa’yo!” Nakangiti ang nanay para sa anak. “Masaya ako para sa’yo, ‘nak.”
Dalawang buwan matapos ang pinaka-masayang araw sa buhay ni Annie, dumating naman ang pinaka-malungkot. Pumanaw ang nanay niya dahil sa virus na kinakaharap ng lahat.
Higit anim na linggong nilabanan ng nanay ang naturang sakit, malala ang dapo nito sa mahinang matanda, kung kaya’t napilitan si Annie na ilabas lahat ng pinaghirapang pera, maisalba lamang ng nanay. Inalala ni Annie ang gabing inuwi niya ang autograph ng mga Fernandez sa kaniyang ina. Apat na araw pala ang itatagal ng birus sa papel kung hindi maagapan agad.
Napag-alaman ni Annie na positibo sa virus ang mga Fernandez, tatlong araw matapos silang bumisita sa kanilang hotel. Pinaalalahanan ng pamilya ang mga tagasunod na huwag lumabas ng bahay kung hindi naman mahalaga at laging sumunod sa mga alituntunin ng gobyerno.
Subalit ngayon, kaharap ng nagsusumamong dalaga ang kasalanang hindi niya na matatakasan. Hindi niya lubos makayanang makita, maski sa huling pagkakataon, ang katawan ng inang nakabalot sa puting tela.
Nalathala din ang artikulo na ito sa The Benildean Volume 8 Issue No. 1: Redacted.