Taon-taon, inaabangan ng mga Pilipino ang State of the Nation Address (SONA) kung saan inilalahad ng Pangulo ang mga nagawa, mga hamon, at mga plano ng kaniyang administrasyon sa darating na taon. Ngunit sa pagtatapos ng talumpating puno ng mga pangako, maraming Pilipino ang napapatanong kung sinasalamin nga ba nito ang mga realidad at kalagayang patuloy na kinakaharap ng taumbayan sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Inihatid ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang kaniyang ikalimang State of the Nation Address sa Batasang Pambansa sa Lungsod ng Quezon noong Hulyo 27, 2026. Nakatuon ang kaniyang talumpati sa pananagutan ng mga lingkod-bayan patungkol sa mga isyu ng korapsyon, mga repormang pang-ekonomiya, mga serbisyong panlipunan, pambansang seguridad, at pagprotekta sa soberanya ng bansa.
Ang SONA ay nagsisilbing taunang ulat ng Pangulo sa bayan. Ipinapaalam at inilalarawan nito sa publiko ang mga kalagayang pang-ekonomiya, politikal, at panlipunan ng bansa, habang inilalahad ang mga nagawa at prayoridad ng administrasyon para sa mga natitirang taon ng kanilang termino.
SONA 2026
Sa kaniyang ikalimang SONA, binigyang-diin ni Marcos ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon sa nakalipas na apat na taon at inilahad ang mga prayoridad nito para sa natitirang dalawang taon ng panunungkulan. Partikular na tinalakay ng pangulo ang mga hakbang upang patatagin ang pananagutan sa loob ng pamahalaan, tugunan ang korapsyon, lalo na ang flood control, mga hakbang upang pagbutihin ang ekonomiya, palawakin ang proteksyong panlipunan, tiyakin ang seguridad sa pagkain at enerhiya, paunlarin ang sistema ng edukasyon, at ipagtanggol ang soberanya ng bansa—lalo na sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas. Muli rin niyang tiniyak ang dedikasyon ng kaniyang administrasyon sa programang “Bagong Pilipinas" at nangakong walang Pilipino ang maiiwan habang patuloy na umuunlad ang bansa.
Ang mga panawagan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue
Para kay Ritz Lee B. Santos, 45 taong gulang at Section Editor ng Amnesty International Philippines, ang State of the Nation Address (SONA) ay hindi lamang dapat maging talaan ng mga nagawa ng administrasyon kundi pagkakataong tugunan ang mga isyung direktang nakaaapekto sa mamamayan. "It all boils down sa access sa mga resources. Maraming naghihirap at patuloy na naghihirap. In the past year, we were confronted by different issues like flood control, hindi pagbibigay ng tamang SALN, so we hope that the President can make this a priority in his agenda," pagdidiin ni Santos.
Kabilang sa mga pangunahing usaping ninais nilang marinig ay ang paglaban sa korapsyon, na ayon sa kanila ay naglilihis ng pondo para sa mahahalagang serbisyong pampubliko tulad ng edukasyon, kalusugan, at disaster response. "Sana ang corruption ay ipakita na isa itong isyu na karapatang pantao, isa itong isyung malapit sa sikmura, [dahil] maraming mga pondo ng pamahalaan ang hindi nabibigay sa basic services, maraming pondo ng pamahalaan ang napupunta lamang sa bulsa ng mga iilan," ani Santos.
Isa rin sa mga isyung hiniling nilang matugunan ay ang Pax Silica, na ayon sa kanila ay hindi pa sapat ang impormasyon at tugon mula sa pamahalaan. Naniniwala silang malaki ang magiging epekto nito sa iba't ibang komunidad at sektor, kaya mahalagang mabigyan ito ng pansin ng administrasyon. Binigyang-diin din ng grupo ang usapin ng karapatang pantao, kabilang ang mga ulat ng pananakot at harassment laban sa mga aktibista. Nanawagan silang tiyakin ng estado ang paggalang at pagprotekta sa karapatan ng bawat mamamayan, lalo na sa mga gumagamit ng mapayapang pamamaraan upang ipahayag ang kanilang saloobin.
“Ang maging seryoso ang estado sa obligasyon nitong irespeto, iprotekta, at tuparin ang karapatan ng bawat mamamayan," ang panawagan ng Amnesty International Philippines.
Ayon naman kay John Lloyd Rosana, 20 taong gulang at miyembro ng Human Rights and People Empowerment Center, umaasa siyang matutupad ang mga planong inilahad ng Pangulo sa SONA. Aniya, "Sana ngayon, yung mga ihahayag niya na kung ano 'yung plano niya this year sa ating bansa ay sana maging totoo, kasi nung mga nakaraang SONA niya [ang daming] anti-corruption pero hanggang ngayon wala pa ring nananagot sa mga katuwalian na nangyayari dito sa ating bansa."
Ayon sa kaniya, isa sa mga pangunahing isyung nais niyang marinig mula sa Pangulo ay ang usapin sa pagtatayo ng Pax Silica dahil ayon sa kaniya, "kailangan natin ng lupa para sa magsasaka, hindi para sa imperyalista."
Bilang panawagan sa Pangulo, aniya, "maging mulat ka sa mga panawagan ng tao, sa mga panawagan ng mga nasa laylayan, at ng mga panawagan ng mga magsasaka at kabataan." Nagbigay rin siya ng mensahe para sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan na maging mulat at huwag nang magbulag-bulagan dahil ayon sa kaniya, "ang katotohanan ay nandito na, nakikita na natin. Naghihirap ang mga Pilipino. Maraming budget, maraming pondo ang Pilipinas, pero walang napupunta sa mga tao at sa kabataan."
Hindi rin nalalayo ang mga hinaing ng mga ordinaryong mamamayan. Para kina Eduardo Halleluya at Lydia Cabrera, ang pinakamahalagang marinig ay mga hakbang upang mapababa ang presyo ng bilhin, makalikha ng disenteng trabaho, at mabigyan ng suporta ang mahihirap na pamilya at mga estudyante. Nananawagan din si Cabrera na nawa'y, "Huwag nang pahirapan ang mahihirap."
Sa huli, ito ay nagsisilbing patunay na sa kabila ng mga pangako at ulat ng mga nagawa ng administrasyon, nananatiling hamon ang pagsasalin ng mga ito tungo sa kongkretong pagbabagong nararamdaman ng bawat Pilipino. Mula sa panawagan para sa pananagutan sa korapsyon at paggalang sa karapatang pantao, hanggang sa kahilingan para sa mas abot-kayang bilihin, disenteng trabaho, at sapat na serbisyong panlipunan, malinaw na inaasahan ng mga Pilipino ang mga hakbang na magbibigay ng tunay na epekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Higit sa isang taunang ulat, ang SONA ay nagsisilbing paalala na ang sukatan ng isang administrasyon ay hindi lamang sa mga pangakong binibigkas, kundi sa kakayahang maiparamdam ang tunay na pagbabagong minimithi ng bawat Pilipino.
