72 taon na ang nakalipas simula nang maitatag ang Universal Declaration of Human Rights (UDHR) noong Disyembre 10, 1948. Matapos ang makasaysayang aksyong ito, ang kombensyon ay nanawagan upang ipalaganap at ilathala ang nilalaman nito sa iba’t-ibang panig ng mundo–ano man ang pulitikal at bansang kanilang kinabibilangan sapagkat naglalayon itong bigyan ng makatarungan at pantay-pantay na trato ang bawat tao.
Sa panahon ngayon, hindi maipagkakaila ang pagbabagong dinaranas ng naturang deklarasyon na sa ati’y dapat pumoprotekta. Saan mang dako ng mundo ay makikita ang patuloy na paglalabag sa karapatang pantao. Ito’y nagdulot ng mas maingay at mainit na talakayan, kung ang bisa ba nito ay tunay ngang walang pasubali o kabaligtaran. Ang mga pangyayaring ito ay nag-iwan ng tanong na: nagagampanan at natutupad pa rin ba ng UDHR ang layunin nito?
Gayunpaman, naririto ang iilan sa mga taong kinikilala bilang mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa kasalukuyang henerasyon. Sa pakikibaka tungo sa pagpapalaganap ng mga karapatang pantao, alamin ang kanilang mga karanasan, damdamin, at panawagan. Ito ang mga kwento na sumasalamin sa kalagayan ng prinsipyong gumagabay sa pamamaraan ng pamumuhay ng bawat isa.
Etta Rosales, 82
Aktibista, guro, lektor, at dating tagapangulo ng Commission on Human Rights (CHR)
Ang problema sa karapatang pantao [ay] hindi ito buo at lubos na naisasakatuparan dahil hanggang ngayon ay tinutuligsa pa rin ng mga tao ang isa’t isa dahil iba-iba ang kanilang pagkakaunawa at pagpapakahulugan dito.
Bilang dating tagapangulo ng CHR sa loob ng limang taon, inilahad ni Etta Rosales ang mga karanasan at balakid na kanyang nalampasan habang nanunungkulan. Sa unang araw ng kanyang panunungkulan, ang katanungan na kung papaano ipakikilala ang karapatang pantao sa CHR ang bumagabag sa kaniyang isipan, sapagkat umpisa pa lamang ay nasilayan na niya ang kamalian dito.
“Dapat talaga ilaban ang pagtuturo ng karapatang pantao sa loob ng burukrasya especially [to] those who are being influenced in policy making, not the implementation of law.”
Agad na nakaramdam ng pagkabigo si Rosales nang mapagtanto ang tunay na kalakaran ng opisina. Isa sa rason kung bakit niya ito nahinuha ay dahil sa isang kaguluhan na kung saan ay may empleyadong naaksidente. Sa halip na ipaglaban ng opisina ang karapatang pantao ng naagrabyado, inaalok lamang nila ang collective bargaining agreement sa magkabilang panig. Isa lamang itong pahiwatig na hindi lahat ng ahensya’y nagagampanan nang lubos ang kanilang responsibilidad sa mga taong kanilang pinaglilingkuran.
Isa pa sa problemang kaakibat ng karapatang pantao, hindi lahat ay nasasaklaw nito—lalong lalo na ang mga mahihirap at mga katutubo. Sinabi rin sa panayam ni Rosales sa The Benildean na kung sino pa ang mahina, sila pa lalo ang mas kinakawawa at pinagsasamantalahan ng lipunan. Ito ay nang dumalo siya sa isang pagpupulong ukol sa kalagayan ng mga lokal na mangingisda sa gitna ng pandemya. Hindi maganda ang lagay ng mga mangingisda, marahil ay isininantabi ang nangangalagang batas sa kanila at mas nabigyang-pansin pa ang mga naghaharing-uri.
Hindi rin nakaligtaan ni Rosales ang red-tagging sa mga kabataan at iba pang taong buong tapang na nagsasalita upang palakasin at maging boses ng mga nahihirapan. Ayon sa kanya, “Ang terorista ay nanakit at inaabuso ang karapatang pantao ng tao.” Kaysa hadlangan ang mga aktibista, sila raw ay dapat na pinakikinggan.
Bilang konklusyon, nanawagan siya na huwag panghihinaan ng loob ang mga aktibista lalo na’t karapatang pantao at makabuluhan ang kanilang ipinaglalaban sapagkat ang red-tagging ay isa lamang katwirang baluktot. Nagbigay-payo rin si Rosales sa mga kabataan na ipagpatuloy ang katapangan na kanilang ipinamamalas nang walang humpay, dahil malapit na ang panahon na sila naman ang magiging pangunahing tagapangasiwa ng kapakanan ng bansa.
Laura Mayuga, 63
Magsasaka
Dahil sa karapatang pantao, pantay-pantay ang bawat isa. Anuman ang iyong estado sa buhay, katulad mo ng karapatan ang kahit sino.
Tinaguriang “backbone” ng bansa, ang mga nasa sektor ng agrikultura ay patuloy pa ring lumalaban para sa kanilang mga karapatang tila hindi na napagtutuunan ng pansin.
Para sa magsasakang si Laura Mayuga, hindi halos maramdaman ang tulong ng gobyerno sa kanilang sektor. Isa sa kanilang mga kinakaharap na suliranin ay ang mababang presyuhan ng asukal. Mahal man ang mga ito sa mga bilihan, maliit ang porsyento ng kinikita nilang mga manggagawa. Aniya, malaki ang gastos sa mga pataba at paggamit ng mga traktor, kung kaya’t umaaray ang mga kagaya niya sa liit na balik na kita. Isa sa kanilang mga hiling ay sana hindi masyadong kababa ang pagbebenta ng kanilang mga produkto at nais ipaalala ang kahalagahan ng mga magsasaka.
“Mahirap ang magsaka. Napakaraming sipag at pawis ang inilalaan namin sa bawat taon [para] makapagpatubo lamang ng magandang ani.”
Bilang isang bansang ipinagmamalaki ang agrikultura, tunay ngang nakababahala ang kinakaharap ng mga kagaya ni Aling Laura. Ang hindi sapat na atensyong ibinibigay ng gobyerno at ang mga polisiyang ipinapatupad ay mas lalong nagpapabigat sa pasan ng ating mga magsasaka.
Ang ilang oras na pagtatrabaho nila sa ilalim ng araw ang rason kung bakit mayroong mga hilaw na bagay na ginagamit sa paggawa ng iba’t-iba pang produkto. Para kina Aling Laura, nalalampasan nila ang mga ganitong pagsubok sa pamamagitan ng pagtitiis. Aniya, ito na ang buhay na kanilang kinamulatan. Ipinagpapatuloy lamang nila ito sa abot ng makakaya ng kanilang kaalaman at nakasanayan. Subalit, kahit na ang mga bayaning kagaya nila ay hindi dapat isinasawalang-bahala ng gobyerno. Maliban sa pagpupugay, mahalagang bigyan ng mga konkretong solusyon ang mga problemang kanilang kinakaharap.
Sa huli, ani Aling Laura, “Patuloy lamang ang buhay. Kahit na kami ay nahihirapan, nakakaraos naman kami. Pasalamat na rin at nabiyayaan ng malakas na pangangatawan at nakakakain nang sapat.”
Ivee de los Santos, 19
Estudyante, ID120 Bachelor of Arts in Fashion Design and Merchandising
Human rights, hindi [ito] masyadong pinahahalagahan. Although sinasabi na we recognize them, but do we really treat those right? And do vulnerable people get what they deserve? Are their human rights being protected? Sadly, I don’t think so.
Ang kaliwa’t kanang suliranin ng bansa ay hindi alintana sa mga kabataang patuloy na lumalaban para sa hustisya. Isa na rito si Ivee de los Santos na patuloy ginagamit ang social media upang ibahagi ang kanyang mga paniniwala at opinyon. “Ayokong maging klase ng tao na nanonood lang, lalo na’t alam kong may palataporma at pribilehiyo ako para magsalita,” dagdag pa niya.
Ayon kay de los Santos, matagal nang umiiral ang paglalabag sa karapatang pantao, ngunit ibinunyag lamang lalo ng pandemya ang katotohanang hindi pa rin ito taos-pusong pinahahalagahan. Isa sa mga isyung kanyang binigyang-diin ay ang masalimuot na karanasan ng mga miyembro ng komunidad na LGBTQIA+ kung saan kaniyang iginiit na kahit patuloy na sinasabi ng mamamayan na tanggap sila, ay nananatili pa rin ang diskriminasyon sa komunidad.
“We’re just tolerated, not accepted. It’s really hard and a struggle everyday. I could get killed anytime, misgendered, called by dead name, called names, be insulted. And straight people do not have this fear in their heads. (Hinahayaan lang kami, pero hindi tinatanggap. Mahirap at araw-araw ito na pagsubok. Puwede akong mapatay kahit kailan, ma-misgender, matawag sa dating pangalan, at matawag ng kung anu-ano. At ang mga “straight” na tao, wala silang ganitong takot sa isip nila).”
Kaya’t sa tuwing nararanasan niya ito, hindi siya lumalaban, bagkus ay tinutulungan niya ang mga tao na maliwanagan sa paksang ito. Sa kanyang palagay, hindi lamang nila ito lubusang nauunawaan kaya ganito ang kanilang reaksyon.
Tinalakay din sa panayam ang maling kuru-kuro ng mga tao sa Sexual Orientation, Gender Identity and Expression Bill o SOGIE Bill. Aniya, isa sa mga balakid ng pagsasabatas nito ay ang patriyarka at mentalidad ng mga Pilipino na kung saan laganap ang paniniwalang diumano’y makasarili ang batas na ito. Marahil kung may sapat lamang daw na edukasyon, usapin at pananaliksik ukol dito ay mas matutuhan ng mga taong tanggapin ito.
“Sana maging bukas ang lahat sa pagkatuto. Because if ‘di ka willing matuto, stagnant ka na lang.”
Sa pagwawakas ng panayam, batid ni de los Santos na maging bukas sana ang mga tao sa pagbabago at matutong makiisa sa damdamin ng mga nahihirapan dahil kalaunan, ito rin ang magdudulot ng katiwasayan at kaginhawaan sa buhay ng bawat isa.
Lean Andrei Sanchez, 21
Estudyante, ID119 Human Resource Management, Kabataan Partylist–DLS-CSB Chairperson
Ang karapatang pantao ay ang pinakaunang karapatan na dapat tinatamasa ng bawat mamamayan anuman ang estado sa buhay, saan mang panig ng mundo.
Sa sektor ng mga kabataan, hindi na bago ang makarinig ng masamang konotasyon sa salitang “aktibista.” Karaniwang inihahalintulad sa mga “terorista” ng kasalukuyang administrasyon, naniniwala ang estudyanteng si Lean Sanchez na ang mga ganitong aksyon ng gobyerno ay para lamang patahimikin ang mga kritiko. Isa na lamang ito sa iba’t-ibang mga balakid na kinakaharap ng mga gaya niyang nakikibaka. Ngunit ang mga internal na salik ay hindi rin mawawala. Aniya, “Natural naman sa amin na panghinaan ng loob paminsan-minsan lalo na’t mapanupil ang rehimen sa panahon ngayon, ngunit sa gabay at suporta ng masa ito naman ay nalalampasan.”
Ang mga lumalaban sa lansangan at humahawak ng mga plakard ay simbolo ng mga mamamayang pagod. Para sa kaniya, layunin niya bilang isang aktibista ay tumulong sa laban ng mga mamamayang api at “makipamuhay at bigyang boses ang mga ordinaryong mamamayan sa lipunan.”
Bilang miyembro ng isang National Democracy Movement (NDMO), naniniwala siya na malaking tulong ang mga ganitong organisasyon upang bigyang boses ang mga ordinaryong mamamayan. Kagaya na lamang ng mga magsasaka, mga miyembro ng LGBTQIA+ community, kabataan, at kababaihan. Kaniyang hinihimok ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, na tumindig at magbigay boses sa mga api.
Aniya, “Tuloy-tuloy ang aming mga educational discussion sa aming mga miyembro at sa masa upang palawakin at palalimin ang antas ng kanilang kaalamang pampulitika sa kasalukuyan.” Kaniyang ipinaalala na ang mga kabataan ay nanguna noong pinatalsik ang dating diktador na si Ferdinand Marcos at hanggang ngayon ay aktibo pa rin ang sektor na ito na nilalabanan ang katiwalian. Dagdag pa niya, “Kung hindi kikilos ang mga kabataan, sino ang kikilos?”
Sa huli, ani Sanchez, “Ang araw na ito ay isang paalala sa ating lahat bilang mamamayang Pilipino na lumaban at gamitin ang ating boses para sa kalayaan, hustisya, at karapatang pantao.”
Ang araw na ito ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng mga karapatang pantao. Ating tandaan ang mga nagpapakaitan ng kani-kanilang mga karapatan at ang mga taong patuloy na lumalaban upang sila’y matulungan. Sa kaliwa’t-kanang paglabag sa mga karapatang pantao, tanungin natin ang ating mga sarili: tayo ba ay may ginagawa upang maprotektahan ang karapatan ng isa’t-isa o isa ba tayo sa mga yumuyurak ng karapatan ng iba?