Dibuho Ni Kai Javier; Larawan Ni Niña Cudal
Dibuho Ni Kai Javier; Larawan Ni Niña Cudal.

Matatag na pananampalataya sa kabila ng pandemya


Ipinakita ng mga deboto ng Itim na Nazareno na hindi lamang nila ipinapamalas ang kanilang pananampalataya tuwing Traslacion, pati rin sa pamamagitan ng pagdarasal sa Mahal na Poon.


By Chloe Mari Hufana, and Beatrice Quirante | Saturday, 9 January 2021

Makalipas ang 234 na taon, ito ang unang pagkakataon na kinansela ang prusisyon ng Poong Itim na Nazareno o “Traslacion” na dinadagsa ng milyun-milyong deboto taon-taon. Dahil sa banta ng COVID-19, napagkasunduan ng Simbahan ng Quiapo at ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na gawing “localized” ang pista, bagay na ikinalungkot ngunit naiintindihan ng mga deboto. 

Ika-siyam ng Enero 1787 nang magsimula ang taunang prusisyon ng Itim na Nazareno sa lungsod ng Maynila kung saan ito’y inililipat mula Intramuros patungo sa simbahan ng Quiapo, na nagsisilbi nitong tahanan higit 143 na taon. Kada taon, umaabot sa milyong mga Pilipino ang dumadalo upang masilayan ang mahal na Poon na pinaniniwalaang may dalang biyaya at himala.

Iba’t-ibang karanasan ang bitbit ng milyun-milyong mga deboto na nagpapasalamat sa regalong pag-asa at pagkakaisa ng Itim na Nazareno, tulad ng paggaling sa mga karamdaman at pagtupad sa kanilang mga kahilingan. Isa rito ang kwento si Ed Marcus Coloma, 20, na kaniyang ibinahagi sa panayam kasama ang The Benildean. Aniya sa unang pagsali niya sa Traslacion ay natupad ang kahilingan ng kanilang kapatid na maging flight attendant. Dagdag pa rito, gumaling ang kapatid ng kaniyang ina mula sa stroke nang kanilang ipinagdasal ito habang pasan ang lubid.

Bagama’t inaabangan ng mga deboto ang Traslacion upang maipakita sa Poon ang kanilang pasasalamat, napagpasyahan itong kanselahin ng alkalde ng Maynila na si Isko Moreno dahil sa banta ng tumataas na kaso ng COVID-19.

Iwasan po muna natin ang mga parada at prusisyon ngayong may COVID-19 pandemic. Maaari pong mapahamak ang ating mga deboto, mailagay sila sa alanganin," aniya ng alklade sa kaniyang opisyal na Twitter account.

Pinaigting na pananampalataya

Inanunsyo ng Simbahan ng Quiapo na gagawing “localized” ang pagdiriwang ng #Traslacion2021, kung saan kanilang dinala ang reliko sa iba’t-ibang lugar sa Maynila mula Disyembre 30 hanggang Enero 9.

“Nakakalungkot kung iisipin dahil hindi ko malalapitan ang Poong Nazareno ngunit ako ay pabor naman na isuspindi ito sapagkat para ito sa kaligtasan nating lahat,”  ani Andrei Buenafe, 18, isang deboto ng Itim na Nazareno, sa panayam kasama ang The Benildean. Hindi hadlang ang pagsuspinde ng Traslacion upang maipakita ang debosyon niya kasama ang kaniyang ama, aniya maipagpapatuloy nila ito sa “pagbisita sa dambana at manalangin nang sama-sama.”

Dahil dito, binisita na lamang nina Coloma ang Itim na Nazareno sa Simbahan ng Baclaran noong Enero 7, sapagkat iyon ang iskedyul ng pagpunta doon ng Poon. Isinaad niya rin na walang impluwensiya ang pagtigil ng Traslacion sa kanilang pananampalataya sapagkat ang “pagdasal sa aming tahanan at ang pagpunta sa Kaniyang ‘localized’ Traslacion ay sapat na.” 

Para kay G. Beni Alfred Estepa, guro ng Pilosopiya sa DLS-CSB, sa panayam kasama ang The Benildean, “Mahalaga ang simbolo o ritual sa buhay ng tao. Ngunit kahit ‘localized’ na ang Pista ng Itim na Nazareno, kailangang maintindihan ng mga tao na mas mahalaga pa rin ang pagsi-simbolo ng debosyon sa puso kaysa aktwal na pagsasalarawan ng pananampalataya.”

“Isang malakas na pinagmumulan [ng ating] pag-asa ay ang ating matatag na pamilya at likas na pakikipagsalamuha,” ani G. Estepa.

Kahit na mayroong mga debotong maaaring maimpluwensiyahan ang pananampalataya dahil labis ang halaga ng “konkretong paglalarawan” nito tuwing Traslacion, ani G. Estepa, naniniwala siyang “likas sa Pinoy na, kahit itigil ang Translacion dahil sa pandemya, ay mananatili pa rin ang diwa ng pananampalataya nila sa Itim na Nazareno. ‘Yan ang tatak Pinoy Faith!”

Bakas ang ‘di matitinag na pananampalataya ng mga deboto sa baha ng tao na matatanaw sa mga Misa Novena sa Simbahan ng Quiapo. Ngayong araw, 400 na tao lamang ang pinapayagang makapasok kada misa sa Simbahan ng Quiapo, kung saan ang kabuuan nitong 6,000 na debotong nakadalo ay malayo sa nakagisnang milyun-milyong deboto noong mga nakaraang taon.

Subalit pinapaalalahanan pa rin ang lahat na sumunod sa istriktong quarantine measures, gaya ng pagsusuot ng face masks at face shields, pagkuha ng temperatura ng katawan, at social distancing.

Araw-araw ang pagpapasalamat 

Bilang isang relihiyosong bansa, tunay na pinapahalagahan ng mga Pilipino ang mga tradisyong gaya ng Traslacion. Subalit, ngayong mayroong pandemyang dulot ng COVID-19, kasing-halaga ng tradisyon ang pagsasaalang-alang ng kalusugan ng bawat isa.

Bagamat malaki ang naging pagbabago sa taunang Traslacion, ani Buenafe, “Mas lalo pa naming pagtitibayin ang aming pananampalataya dahil hindi lang naman sa pagsama sa Traslacion ang basehan ng isang deboto.”

Ika ni G. Estepa, “Dapat makita ang pananampalataya natin sa Poon na Itim na Nazareno na buhay ito sa pamamagitan ng pakikipagunayan natin sa tao na may pagmamalasakit at lubos na pagmamahal.” Sapagkat araw-araw marami pang paraan upang maipakita ang pananampalataya at pasasalamat sa Kaniya, hindi lamang sa pagdalo sa mga prusisyon.

Sa panayam kasama ng The Benildean noong nakaraang Traslacion 2020, ani ng parochial vicar ng Quiapo Church na si Fr. Douglas Badong, “Si Kristo ang sentro ng pananampalataya” at ang presensya ng Poon ay ipinapahiwatig na “kasama natin lagi ang Diyos sa paghihirap, pagsubok, at pagbagsak.” 

Binigyang-diin din ni G. Estepa na sumasalamin dito na “ang Diyos lamang ang kinikilalang pinakatanging sandalan at sandata sa lahat ng aspeto sa buhay.”

Sa Traslacion 2022, inaasahan nina Buenafe at Coloma na muling makasama at matuloy na ang taunang prusisyon, nang makapagbigay pasasalamat sa lahat ng biyaya na ibinigay ng Itim na Nazareno. 

“Ang aking pananampalataya sa [Kaniya] ay hindi lamang tuwing January 9; ang araw ng [Kaniyang] kapistahan at paglahaok sa Traslacion. Araw-araw ay nagdarasal pa rin ako sa kaniya at patuloy na nagpapasalamat,” ipinahiwatig ni Coloma.

Sa likod ng pandemya, nananaig ang malakas na pananampalataya ng mga Pilipino sa pag-asa at biyaya na dala ng Panginoon. Hindi man matuloy ang taunang prusisyon, kanilang pinapaalala na sa lahat ng dako mayroong paraan upang magbigay pasasalamat para sa lahat ng biyaya, at hindi nakakulong ang pagkakataong ito sa iisang petsa lamang.