Layout Ni Willem Dimas
Layout Ni Willem Dimas.

Sunday Beauty Queen: Natatanging pagsasakripisyo ng kababaihan


Sa kababaihang tiniis na alagaan ang iba bago ang sariling pamilya, nagniningning ang bago nilang kapangyarihang hindi maaagaw ninuman.


By EA Rosana, and Stefani Tacugue | Wednesday, 24 March 2021

Ang “Sunday Beauty Queen” ay isang dokumentaryong pelikula sa direksyon ni Baby Ruth Villarama noong 2016, na patungkol sa mga grupo ng mga Pilipinang OFW sa Hong Kong, kung saan sila ay namamasukan bilang mga kasambahay na naghahanap ng kaluguran sa pamamagitan ng partisipasyon sa lingguhang beauty pageant. Sa pagsunod sa buhay ng limang babaeng itinampok, inabot ang paggawa sa pelikula ng apat na taon.

Mula sa panulat ng direktor at tagalikha na sina Villarama at Chuck Gutierrez, una itong ipinalabas noong Oktubre 7, 2016 bilang Official Selection sa 21st Busan International Film Festival. Ang pelikula ay isang opisyal na kalahok sa 2016 Metro Manila Film Festival kung saan nag-uwi ito ng apat na parangal, kabilang ang “Best Picture,” “Best Editing,” Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award, at Children’s Choice Award. Nang maitampok naman noong taong 2017, umani ito ng sari-saring gantimpala tulad ng Jury Award for Best International Documentary ng London Labour Film Festival, Best Documentary ng Gawad Urian Awards, at Audience Award for Best Documentary ng CinemAsia Film Festival.

Natuklasan ang talento sa kabilang panig ng mundo

Ipinahayag ng dokumentaryo sa manunood ang iba pang bagay na kanilang makikita sa buhay ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Salungat sa marangyang buhay na inaakala ng karamihan, isinalaysay ang buong pusong paghihirap ng mga babaeng bumubuhay ng dalawang pamilya, dito sa Pilipinas at ang kanilang pinaglilingkuran sa Hong Kong. 

Gayunpaman, pait at tamis ang hatid ng pelikula nang maipamalas din ang pambihirang oportunidad na kanilang natagpuan doon, isang daan upang madiskubre ang kanilang talento sa paglahok sa mundo ng beauty pageant. Noong Setyembre 2020, naitala ang 204,000 bilang ng Pilipino na namamasukan sa Hong Kong bilang kasambahay.

Sa limang indibidwal na itinampok sa dokumentaryo, naobserbahan at nahinuha ng manonood ang iba’t-ibang karanasan ng Overseas Filipino Workers (OFWs). 

Una ay si Rudelie Acosta, isang Information Technology graduate at apat na taong nagtatrabaho sa Hong Kong. Sumunod naman ay si Leo Selomania, na 20 taon nang nasa bansa at isa sa nag-oorganisa ng patimpalak. Sa pagtatrabaho bilang kasambahay, napagtanto ni Mylin Jacobo ang hirap at higpit ng oras sa Hong Kong kaysa sa Pilipinas. Inilahad naman ni Cherrie Mae Bretana ang pagiging malapit sa kaniya ng batang anak ng amo dahil kadalasan, siya lamang ang nakakasama’t nakakausap nito. Ang panghuli nama’y si Hazel Perdido, na tinitiis ang pangungulila sa pamilya.

Tipikal na kasambahay ang mga buhay nila—gigising nang maaga, magluluto’t maglilinis, mag-aasikaso ng mga alaga, matutulog nang hatinggabi; kakayod nang anim na araw sa isang linggo. Normal kung iisipin, ngunit kalakip nito ang pangungulila at pagtitiis para sa naiwanang pamilya sa Pilipinas. Bunsod nito, ginugugol nila ang araw ng Linggo upang kumawala sa kalungkutan dahil sa maliit na patimpalak na maghahatid ng ligaya sa sarili at pagkakataong mag-uwi ng korona, sash, at kakaunting salapi. Taun-taon, ang daang libong Pinay domestic workers ay nagtitipon sa Chater Road Central Hong Kong upang isagawa ang pinaka-engrandeng OFW beauty pageant, ang Miss Philippines Tourism HK.

Dilim sa pagkupas ng ningning

Bagaman iba ang kaligayahang hatid ng minsanang pagpapamalas ng kagandahan, hindi maikukubli na nasasadlak pa rin sa kalungkutan at kahirapan ang ating mga Pinay DH. Nakaaantig ang tila rawness ng dokumentaryo, at walang pag-aalinlangan ang pagsasalaysay ng buhay na karaniwang binabalewala natin dito sa Pilipinas. Kagila-gilalas ang kanilang kakayahan, na walang halong pagpapanggap, ngunit pumupukaw sa puso ng sinumang manonood na nagtitiis at naghihirap sa kakarampot na kita.

Bukod sa mga domestic workers na bumubuhay sa libo-libong pamilya ng Hong Kong, ang kawalan ng oportunidad sa sarili nating bayan ang nagtutulak sa mga babaeng ito upang mag-alaga ng iba at hindi ang kanilang sariling pamilya. Gaya ng ipinakita sa dokumentaryo, tanging kahon-kahong pasalubong ang nakararating sa Pilipinas, hindi ang mainit na yakap at matamis na halik ng isang ina o kamag-anak na siyang pumuno sa siksikang balikbayan box.

Dito naipamamalas ang tapang at kapangyarihan ng isang babae, na pipiliing ialay ang sarili para sa minamahal, katabi man o malayo. Sarili at kapwa Pilipina lamang kanilang pinaghuhugutan ng lakas, ‘pagkat kadalasan, nagagawa pang kalimutan ng pamilyang hindi naman ninais na iwanan. Gayunpaman, gaya ng lahat ng makabagong bayaning Pilipino, higit pa sa pagkilala ng katatagan ang nararapat sa kanila—ang sapat na sahod, ligtas na trabaho, at hanapbuhay na hindi kailangan pang mawalay sa pamilya ang pinakamaningning na koronang dapat nilang makamit.

Ngayon, ipagdiwang natin silang lahat! Ang kababaihang sa kabila ng ibayong katatagan, ay may kapangyarihang piliin ang sarili.

Maaaring panoorin ang pelikula sa opisyal na YouTube channel ng TBA Studios.