Higit isang taon nang nakikipagsapalaran ang buong mundo sa panganib na dala ng COVID-19. Sa kasalukuyan, may lagpas isa’t kalahating milyong kumpirmadong kaso ng naturang virus ang naitala sa Pilipinas. Kung matatandaan, aabot na sa ₱10.77 trilyon ang utang ng Pilipinas sa iba’t-ibang organisasyon at bansa sanhi ng pandemya. Subalit mapapaisip ang bawat isa: sa takbo ng sitwasyon sa bansa, saan nga ba napupunta ang badyet na ito?
Sa kabila ng mga paghihirap na ito, umusbong muli ang diwa ng bayanihan nang naging usap-usapan sa internet ang itinayo ni Bb.Patricia Non na community pantry sa Maginhawa, Quezon City. Gamit ito, nakakuha ang ilang Pilipino ng mga pang-araw-araw na pangangailangan, tulad ng pagkain at mga kasangkapan upang malabanan ang birus. Ang mga may kakayahan namang magbigay ay taos-pusong namahagi ng ilang mga makakain at magagamit ng iba.
Hindi na bago para sa masang Pilipino ang diwa ng bayanihan. Sa katunayan, isa ito sa ipinagmamalaki nating katangi-tanging ugali. Gayunman, mayroon kayang mas malalim na implikasyon ang mga nagsi-usbungang pantry?
Paghihikahos sa pandemya at sa tulong
Aminado si Bb. Jane Paula Roxas, ang Kapitbahayan Partnership and Development Unit Coordinator ng De La Salle-College of Saint Benilde, na “hindi pang-matagalan” ang pantries. Ito ay dahil sa kakulangan ng mga natatanggap nilang tulong upang sustentuhan ang mga ito, pati na rin ang pangamba ng mga nagbo-boluntaryo sa hindi nakikitang kalaban.
Sa panayam kasama ang The Benildean, aniya nais niyang tingnan ang pantries bilang simbolo ng pag-asa. “Huwag nating tingnan na umaasa lang [sila] sa pantry, pumupunta sila dahil may pangangailangan sila.” Dagdag niya, nakikita ito ng mga tao na “relief sa pang-araw-araw.”
Para naman sa kalihim ng Barangay 752, San Andres, Manila na si Ernesto Gabriel Jr., kulang na kulang ang ibinibigay na tulong ng gobyerno para sa mamamayang Pilipino. Tanong niya, “Kung sapat [ang tulong], pipila o aasa ba sila sa community pantries?
Layunin ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno na magbigay ng ₱1,000 kada indibidwal at hindi lalampas sa ₱4,000 kada pamilya. Ito ay ibinahagi ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong nagpatupad muli ng Enhanced Community Quarantine ang pamahalaan noong Abril 2021. Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng ₱22.9 bilyon para sa mga naapektuhang residente ng NCR+ (National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal).
Subalit para kay G. Gabriel, aniya sa panayam kasama ng The Benildean, kulang pa rin ang ayudang hatid ng pamahalaan sapagkat marami ang nawalan ng trabaho at hindi nakatanggap ng pinansyal na tulong ngayong pandemya.
Ang pag-usbong ng mga community pantry sa bawat sulok ng Pilipinas ay pahiwatig na naghihikahos pa rin tayo sa tulong. Sa kasalukuyan, umabot halos 800 ang community pantries na naitala ng grupo ni Bb. Andi Tabinas mula sa Unibersidad ng Pilipinas na makikita sa kanilang mapang “Saan may community pantry?”
Pagtitibay ng prinsipyo sa gitna ng pang-uusig
Matagumpay kung maituturing ang pag-usbong ng bayanihan sa mga community pantries, gayunman itinatali ito sa panganib sa kalusugan at kaligtasan.
Ipinagtapat ni Bb. Roxas ang kalungkutang hatid ng mga paratang tulad ng red-tagging at pambabanta ng karahasan mula sa otoridad at mga kritiko ng pantry; kung saan aniya, “Hindi ito ginagawa para lumaban sa gobyerno [kundi] para tumulong talaga. Mayroon at mayroong nasasabi ang mga tao.”
“Samahan niyo kami. Gawa rin sila programa. Dahil hindi naman nila alam ang totoo… Basta ang motibo ko lang ay matulungan ko ang ibang tao,“ pahayag naman ni G. Gabriel ukol sa alegasyon ng pamumulitika na nag-udyok sa kaniya upang itayo ang binuo niyang pantry sa kanilang barangay at hindi sa sariling tahanan.
Ang pagsasabuhay ng bayanihan sa gitna ng paghihikahos ay hindi lamang nakakulong sa katatagan at pagtitiis; at ‘di marapat na mamalagi bilang responsibilidad ng taumbayan. Ang community pantries ay pahiwatig ng kakulangan ng pamahalaan sa tungkuling sinumpaan.
Ikinintal ng simpleng hapag ng pagtutulungan ang kapangyarihan ng bayang bumoto nang mahusay sa susunod na halalan. Gayunman, habang naghihintay ang liwanag sa dulo ng pandemya, marapat nating akayin ang sarili nating tahanan at panagutin ang gobyernong nagpasan sa atin nito.
Para sa mga nagnanais na tumulong, bukas ang donasyon para sa #150ForCommunityPantry ng Benilde sa pamamagitan ng kanilang GCash accounts na makikita sa Benilde Center for Social Action Facebook Page.