Kalakip ng matagumpay na pagmulat sa mga manunuod ng mga pinagdadaanan ng isang intersex, ang pelikulang “Metamorphosis” (2019) ay sumisid pa nang mas malalim nang bigyang-diin ang karapatan ng mga intersex na piliing maging masaya sa kasariang nais nila. Higit sa hangarin na bigyan ng representasyon ang mga intersex, bitbit na rin nito ang sari-saring gantimpala matapos maipalabas sa takilya.
Mula sa direksyon ni J.E. Tiglao, katuwang sa pagsulat si Boo Dabu, itinanghal bilang pinakapremyadong pelikula ang “Metamorphosis” sa Cinema One Originals Digital Film Festival 2019. Humakot ito ng limang gantimpala, kabilang ang “Best Sound” nina Immanuel Verona at Vince Jan Banta, “Best Cinematography” para kay Tey Clamor, “Best Supporting Actress” ni Iana Bernardez, “Best Actor” para kay Gold Azeron, at “Best Director” ni J.E. Tiglao. Gayundin, nasungkit ni Yayo Aguila ang prestihiyosong Pinakamahusay na Pangalawang Aktres ng Gawad Urian 2020, maging ang “Best Actor” para kay Gold Azeron at “Special Jury Prize” ng pelikula sa Pista ng Pelikulang Pilipino 2020. Taong 2021, nakamit din ni Clamor ang “Indie Movie Cinematographer of the Year” mula sa Star Awards for Movies.
Tílas ng naninidhing paglaya
Kalakip ng pagmulat sa realidad sa buhay ng isang intersex, nakapaloob sa pelikula ang mga eksenang may paghuhubad (nudity) at pagsasalsal (masturbation). Bago ang araw ng 15th Cinema One Originals Film Festival, hinatulan ang “Metamorphosis” ng “X rating” ng MTRCB, at umano’y “not suitable for public exhibition” dahil sa ilang mabibigat na mga eksena nito. Gayunman, ani Tiglao na kinakailangan ang mga ito upang maibahagi nang buo ang kamalayan sa kalagayan ng mga intersex.
“Lahat ng tao, may sikreto. Pero hindi lahat ng sikreto, masama,” ani ni Angel matapos malaman ang kondisyon ni Adam nang yayain niya itong makipagtalik. Maraming pagkakataon na ipinabatid ng palabas na ang mga intersex ay tulad din ng ibang tao na nais lamang mabuhay nang masaya at magkaroon ng magandang kinabukasan.
Nagpatuloy ang mga mabibigat na eksena sa palabas habang pilit na inaalam ni Adam ang kaniyang kalagayan at tunay na kasarian. Kabilang na rito ang kaniyang pagsasalsal, na isang pangkaraniwang gawi, anuman ang kasarian, lalo na sa kabataang tumuntong na sa puberty stage.
Ilan pa sa mga eksenang ipinapabatid ang kalituhan ni Adam sa kaniyang seksuwalidad ay nang mahati ang kaniyang pagtingin kay Angela at Dr. Abraham, partikular na nang makita niyang nang hubad ang doktor at nagkaroon ng pagkakataong matabihan ito sa kama.
Upang tuluyang ipamahagi ang kalagayan ng mga intersex, maliban sa kanilang mga karanasan, ipinakita sa pelikula ang genitalia ni Adam matapos niya mahanap ang kapayapaan sa pagyakap sa kaniyang sariling pagkatao, anuman ang kaniyang kasarian.
Pagyakap sa bumabalot na dilim
Ang mamuhay sa taong 1990s (ayon sa setting ng pelikula) kaakibat ang ‘di mabilang na suliranin tulad ng bullying ng mga kamag-aral, pagkabilang sa relihiyosong pamilya, kakulangan ng sapat na impormasyong medikal, at iba pa—hindi kataka-takang sindilim ng nababalot na paru-paro ang buhay ni Adam. Mapapansin din ang bahid ng homophobia sa ilang eksena ng pelikula, na nakaugat sa mababang pagtingin sa mga babae ng lipunan; gaya na lamang noong pinintasan ni Adam ang amoy ng regla, at pang-aasar sa kaniya bilang baklang may ari ng isang babae.
Hindi man agarang mapapansin ang bigat ng dinaranas ng mga kapatid nating intersex dahil sa natatago nilang kasarian, marapat pa ring iangat ang diskurso tungkol sa pagbibigay ng pagkakataon at kalayaan nilang pumili ng tatahaking landas. Pinalaya ng “Metamorphosis” ang nahihimbing na isyu ng pagdedesisyon ng mga magulang, maging ang mga doktor sa kasarian ng isang intersex mula sa kapanganakan. Gayundin, hindi ito dapat ituring bilang isang naiibang kundisyon, lalo’t natural at itinakda ang natatangi nilang pagkakakilanlan.
Gaya nga ng sinabi ni Angel sa pelikula, “Adam. Ikaw, ako. ‘Yung mga taong tulad natin. Okay lang tayo, Adam.”
Dilaw at lila ang kulay ng banyuhay
Bilang kauna-unahang aktor na gumanap ng intersex na bida sa isang pelikulang Pilipino, mahusay at tila natural ang ipinamalas ni Azeron sa pagganap sa pagkatao ni “Adam.” Nakabalot sa mga emosyon ng pangamba, takot, pagkalito at inis, na may halong pagbibiro at kayabangan ang kaniyang kilos sa bawat eksena. Mahusay din ang pagganap ni Bernardez sa tauhan ni “Angel” tulad ng mga walang kupas na pag-arte ng mga batikang aktor na sina Ricky Davao (Edgar) at Yayo Aguila (Elena), bilang mga magulang ni Adam.
Hinay-hinay ngunit natimpla ni Tiglao nang maingat ang daloy ng emosyon mula sa umpisa hanggang sa katapusan ng kwento. Kuha ang realidad mula sa asaran sa silid-aralan hanggang sa mabibigat na eksenang nasa bingit na si Adam sa pagdedesisyon para sa kaniyang operasyon. Mayroong ilang mga eksena na marahil ay mas angkop kung hindi gaanong pinahaba, tulad ng pagdungaw ni Adam sa bintana habang hawak ang paru-paro.
Ipininta ng pelikula ang mensaheng pagtanggap at pagkamulat sa sariling pagkatao gamit ang shade ng kulay dilaw at lila sa kuha ng ilang mga eksena.
Ani G. Tiglao sa isang post, ang paghahalo ng dalawang kulay ay sumasagisag sa isang “awakening” at sa intersex flag.
Angkop ang musikong inilatag nina Verona at Banta sa unti-unting paglalabas ng emosyon, tulad ng eksenang unang dinatnan si Adam ng regla sa ilog at kumaripas pauwi ng bahay. Sa kabilang dako, tila hindi angkop ang ilang mga anggulo ng kamera, tulad sa mga eksenang lumalangoy sina Adam at Angel sa ilog, at ang pag-uusap nina Adam at Dr. Abraham sa tapat ng kotse.
Sa huli, iniukit ng tadhana ang kapalaran ng mumunting uod na magbagong-anyo sa isang paru-paro, ngunit nasa mga palad—o mga pakpak nito—ang pagkakataong pumili kung kailan sila lilipad. Gaya ng mga kapatid nating intersex na binabalot ng dilim bilang kahadaan sa panibagong buhay, makapangyarihan ang natatanging pagkakakilanlan bilang hindi maaaring idikta nino man.
Tangan man ang natatangi nilang mga pakpak, hindi naiiba ang kanilang mga pangarap—ang mamuhay nang masaya at malaya.